News

Masasa Beach, sinisira na ng Crown of Thorns

By JOENALD MEDINA RAYOS

TINGLOY, Batangas – HALOS dalawang taon pa lamang simula ng makilala at unti-unting sumikat ang Masasa Beach sa Barangay San Juan sakop ng bayang ito. Unti-unti nang lumalago ang industriya ng turismo at ang mga tao sa lugar ay nagsimula na ring kumita sa pagiging tour guide, diving and snorkeling guides sa mayamang bahura ng isla ng Maricaban.

Sa kabila nito, isa namang malaking banta sa pagkasira ng bahura ang pananalasa ng isang klase ng mapaminsalang starfish – ang Crown of Thorns Starfish (COTS) – at ang nakikitang dahilan nito ay ang kawalang kahandaan ng lokal na pamahalaan para pangasiwaan ang Masasa Beach, partikular ang sewage problem o ang pagdaloy ng maruming tubig sa dagat at ang sa usapin ng basura.

Nitong nakalipas na ilang linggong magkakasunod, sinimulan ng SEA Institute kasama ang mga environmental volunteers na kinabibilangan ng mga divers, mga bangkero, Bantay Dagat Brigade at iba pang mga tauhan ng pamahalaang lokal ang paglilinis sa mga bahura at pagkolekta sa mga COTS sa katubigang sakop ng Verde Island Passage, partikular sa municipal waters ng bayang ito.

Bitbit ang iba’t ibang gadgets at mga sakong sisidlan, nagtipun-tipon ang mga volunteers sa Masasa Beach at sinuyod ang bahura ng Brgy. San Juan kung saan ay natipon ang may ilang daang COTS.

Mahigit 10 taon na ang nakalilipas, umabot sa 10 sako ng mapanirang-uri ng starfish ang nahakot ng may 40 volunteer divers, bangkero at ng Mabini Tourism Office sa isang malawakang paglilinis ng dagat na bahagi ng Barangay Balangit, bayan ng Mabini, Batangas noong Pebrero 6, 2008.

Ang Mabini ay bahagi ng Verde Island Passage sa pagitan ng Batangas at Mindoro na tinaguriang “center of the center of marine biodiversity,” na mayroong 1,736 fish species, ang pinakamarami sa buong mundo.

Layunin ng nasabing clean-up na makontrol at mapaliit ang pagdami ng crown of thorns sa mga diving spots sa Mabini, partikular sa mga  marine sanctuaries, na siyang pangitlugan ng  mga isda.  

Kabilang sa mga dive spots na tinamaan ng COTs ay ang marine sanctuaries na Arthurs Rock, Koala, Eagle Point at Cathedral Rock sa Barangay Bagalangit.

Ayon sa mga residente, ang COTs ay mabilis dumarami at karaniwan nang nananalanta sa gabi tuwing mga buwan ng tag-init. Milyon-milyon ito kung mangitlog kung kaya’t habang maaga pa ay kailangan nang pigilan ang pagdami nito.

Naniniwala ang mga volunteers na kung di maaagapan ang pagdami ng crown of thorns starfish ay darami ang mamamatay na corals at mababawasan na ang mahuhuling isda.

Kinakain umano ng mga crown of thorns ang mga coral na sya namang laging binibisita ng mga diver. Kaya naman naalarma na ang diving community sa pagkakaroon ng crown of thorns dito, kaya hiniling na sa dapat pamahalaang lokal para sugpuin ito.

Paliwanag ng ilang divers, maaaring abutin ng 20 hanggang 30 taon bago muling mapanumbalik ang mga bahura o corals sa dati nitong anyo.

Madalas aniyang nangangain ang COTs ng corals sa gabi at saka na lamang nalalaman ang epekto nito kinaumagahan oras na mamuti ang bahura sa prosesong tinatawag na coral bleaching.

Pahayag ni Joal Ascalon, executive director ng SEA Institute, kung di mapipigilan ang pagdami ng crown of thorns ay maaaring mamatay ang industriya ng diving sa lugar na siyang pinagmumulan ng hanapbuhay at turismo ng nasabing isla.

Lubos naman ang pasasalamant ni Ascalon sa mga volunteers na naglaan ng oras para sa nasabing adbokasiya.

Ang crown of thorn starfish (COTs) ay isang hayop sa dagat na mayroong nakalalasong mga tinik at kumakain ng samu’t saring lahi ng corals sa dagat gaya ng acropora.  

Ayon sa World Wide Fund – Philippines (WWF-Philippines), ang isang crown of thorns ay kayang makawasak ng buong coral reef sa loob lamang ng isang linggo.

Ang isang crown of thorns ay kaya ring kumain ng anim na metro ng malulusog na bahura taun-taon.

Sa panahon ng tag-init, habang tumataas ang temperatura at pataba sa dagat, dumarami ang algae sa prosesong tinatawag na “algal bloom” at karamihan sa mga bahura sa bansa ay nakararanas ng outbreak mula sa COTs.

May kinalaman din ang pagkaubos ng mga isdang kumakain ng COTs gaya ng Wesse at Giant Triton sa iligal na kuleksyon para sa aquarium trade, hinggil sa pananalasa ng COTs.

Noong Nobyembre 2007, iniulat ng WWF-Philippines na nagkaroon ng COTs outbreak sa mga coral reefs ng Mabini, Apo Reef, Puerto Galera, Mindoro; Roxas, Palawan; Bolinao sa Lingayen Gulf at iba pang katubigan sa bansa.   Dahil sa kamandag ng crown of thorns ay kinailangan pang gumamit ng tongs para makuha ang mga ito at maisilid sa isang sako at saka inihuho sa dalampasigan kung saan ito’y kusa nang mabubulok.|May detalye mula sa Balikas Research