News

Libu-libong deboto, dinayo si Sto. Padre Pio

By JOENALD MEDINA RAYOS

STO. TOMAS, Batangas – “HINDI man ako palasimba ay lagi naman akong nagdadasal at naniniwala sa kapangyarihan ng Panginoong Diyos kaya ako’y nagpilit na ring pumunta rito at nagbabakasakaling makahipo sa Sto. Padre Pio.”

Ito ang pahayag ni Lolo Domingo, 73, ng Nagcarlan, Laguna sa panayam ng Balikas News habang naghihintay na makapila sa mga lalapit sa di naaagnas na puso ng mapaghimalang Sto. Padre Pio bandang ala-una na ng hapon. “Umalis kami sa amin ay ala-sais pa ng umaga kangina, kasama ko ang aking anak at dalawang apo, at baka uuwi na rin kami maya-maya, oras na makahipo kami sa mahal na santo,” dagdag pa ni Lolo Domingo.

Katulad din ni Lolo Domingo, dumagsa ang libu-libong deboto sa Natioanl Shrine of Sto. Padre Pio sa Brgy. San Pedro, sa bayang ito upang magbigay-galang, makita at makalapit sa relikya ng santo. May mga maaga pang nagsidating noon pa mang Biyernes ng hapon at naghintay na sa pagdating ng relics dambana.

Para kay Lolo Domingo at sa libu-libong deboto na natyagang pumila para makahipo sa glass casing na kinalalagakan ng reliquary o ang pasadyang sisidlan ng ng relikya ng santo, isang kaganapan ng pag-asam na mapalapit sa santo ang sila’y makahipo rito sa paniniwalang mailalapit nila kay Sto. Padre Pio ang kanilang mga hinaing at sa pamamagitan niya ay maidulog sa Panginoong DIyos ang mga karaingang ito na kalimitan ay mga petisyong gumaling sila sa mga karamdaman.

Pagsamba nga ba o paggalang?

Sa kabila ng mga puna at akusasyon ng mga non-Catholics sa pamimintuho o paggalang ng mga Katoliko kay Sto. Padre Pio at sa lahat ng mga santo, ipinaliwanag ng Lubhang Kgg. Gilbert Garcera, D.D., arsobispo ng Lipa, ang malaking kaibahan ng pagsamba (worship) sa pamimintuho o paggalang (veneration). Aniya, malinaw na ang pagsamba ay para sa Diyos lamang, samantalang ang para sa mga santo ay pamimintuho o paggagalang lamang.

“Hindi tamang akusahan ang mga Katoliko na sumasamba sa mga santo sapagkat hindi iyon totoo dahil ang pagsamba ay para sa Panginoong Diyos lamang,” dagdag pa ng arsobispo.

Pahayag naman ng Lubhang Kgg. Gabrielle Giordano Caccia, D.D., papal nuncio to the Philippines, “gaya ng pagbibigay halaga natin sa ating mga mahal sa buhay na yumao na, gayundin naman ang ating pagbibigay galang at halaga a mga santo na naunang nabuhay at mga naging modelo ng ating pananampalataya.”

Mula sa San Giovanni Rotondo sa Italya, sinundo ng may 63 katao sa pangunguna ni Fr. Joselin “Jojo” Gonda, rector ng National Shrine of St. Padre Pio, ang nasabing relics para sa pagdalaw nito sa Pilipinas, ang ika-apat na bansa na nabisita ng banal na relics.

Gabi ng Biyernes, dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang grupo ni Fr. Gonda kung saan ay sinalubong naman ng isang “welcome liturgy” na pinamunuan ng Lubhang Kgg. Ramon C. Arguelles, Arsobispo-Emerito ng Lipa, kasama ang ilan pang mga paring kasama sa Executive Committee tulad nina Fr. Oscar Andal, Fr. Ildefonso Dimaano, Fr. Froilan Carreon at Fr. Gerald Macalinao. Mula sa NAIA, ang grupong sinalubong at sumalubong ay ginabayan ng Highway Patrol Group ng PNP sa pagtahak ng landas patungong Pambansang Dambana.

Pinangunahan naman ni Arsobispo Garcera ang Misang Pagtanggap sa Dambana bago itinanghal ang nasabing puso sa Divine Mercy Sanctuary for Pilgrim, kalapit ng simbahan.

Sa kaniyang homiliya, Sabado ng umaga, hinikayat ng papal nuncio, ang mga manananmpalataya na magkaroon ng dalisay na pusong gaya ng kay Sto. Padre Pio.

“Today, in this Shrine, in front of his holy heart, Padre Pio invites us to also entrust our hearts to the Lord: and he says to us: “Where are you going? To Jesus or to your sadness? What are you going back to? To the One who saves you or, to your misery, your regrets, your sins? Come, come, the Lord is awaiting you. Take courage, no reason is so grave as to exclude you from his mercy”.

Naroon din ay nakiisa sa Banal na Misa sina dating Lipa Auxiliary Bishop at ngayon ay Obispo ng Diyosesis ng San Pablo, Buenaventura Famadico, D.D.; ang Batangueñong Obispo, Reynaldo Evangelista, D.D., Obispo ng Diyosesis ng Imus; Obispo Emilio Z. Marquez, D.D. ng Diyosesis ng Lucena; ang dalawang paring Capuchino mula sa San Giovanni Rotondo – Fra Nazario Varsciarelli, OFM Cap. At Fra Giovanni Delle Carri, OFM Cap.; at si Batangas Governor Hermilando I. Mandanas at kaniyang maybahay.|May ulat ni JEAN NICOLE G. RAYOS