News

Recall election, inilunsad sa Taysan

TAYSAN, Batangas – DUMAGSA sa covered court ng Barangay Mapulo sa bayang ito, Miyerkules ng umaga ang mga mamamayang Tayseño upang suportahan ang paglulunsad ng malawakang kampanya para sa panukalang recall election sa bayan ng Taysan.

Maaga pa ay halos napuno kaagad ang naturang bulwagan ng mga residente na nagpahayag ng kanilang suporta sa ihahaing petisyon sa Commission on Election para buksan ang proseso ng recall election.

Ayon sa itinatadhana ng Seksyon 69 ng Republic Act No. 7160 o kilala bilang Local Governemnt Code of 1991, ang kapangyarihang magkaroon ng recall election bunga ng kawalang kumpiyansya sa nakaluklok na mga opisyal ay nasa mga mismong mga rehistradong botante ng isang bayan, lungsod o lalawigan.

Itinatadhana rin ng batas na ang petisyon sa pagkakaroon ng recall election ay maaaring buksan at ihain ng hindi bababa sa 25% man lamang ng mga rehistradong botante sa konsernadong lugar sa katatapos na halalan.

Ayon kay G. Clint Bosch, tumatayong tagapamuno ng mga nagpepetisyong residente, hindi lamang 25% ng rehistradong botante noong nakaraang May 13, 2019 Local Elections ang nagpahayag ng pagsuporta sa isasagawang recall at ang mga ito aniya ay nagpahayag na ng kanilang paglagda bilang kumpirmasyon ng harangaring maisagawa ang recall.

Ang bayan ng Taysan ay ay isang 2nd class municipality sa ikaapat na distrito ng Batangas. Batay sa pinakahuling census noong 2015, ito ay may 38,007 populasyon at may kabuuang 26,530 rehistradong botante noong nakaraang May 13, 2019 Local Elections.

Malinaw ang isinasaad ng batas sa usapin ng recall – ang tanging dahilan kung bakit pinapayagan ang pagkakaroon ng recall ay ang kawalan ng kumpiyansya ng mga taumbayang manghahalal (loss of confidence of the electorate).

Sa isinagawang asembleya ng mga mamamayan nitong Miyerkules, inisa-isa ng mga tumataying lider ng bawat sektor ang kanilang mga pangunahing dahilan kung bakit sila sumama sa pagkilos.

Kasama ni Bosch bilang mga petisyoner ang mga lider ng bawat sektor na sina Antonio Villamin sa usaping pangkapayapaan, Eddie Quartero sa grupo ng mga manggagawa, Norberto del Mundo sa mga pangunahing mamamayan o senior citizens, Mark Anthony Arcega sa sektor ng kabataan, at Sherlyn Peradilla sa sektor ng kababaihan.

“Mayor Grande P. Gutierrez… is subjected to recall principally for Loss of Confidence. The petitioners, who are all legitimate residents and registered voters, clamor for change of leadership due to the following reasons: (1) .. Mayor Gutierrez has not proven himself as an effective and commendable executive and has not shown sign of competence, transparency and good governance expected of him as Chief Executive..”, saad ng petisyon.

Inihanay rin ng mga petisyuner ang umano’y patuloy na pagbagsak ng moralidad sa bayan ng Taysan dahil sa kawalang katiyakan sa seguridad at peace and order sa sunud-sunod na pagpatay sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng barangay, ang umano’y paglaganap ng korupsyon at iligal na droga at ang pagpapabaya sa mabilis na pagkasira ng kalikasan.

Isinasaad din sa batas na maaari lamang ihain ang petisyon para sa recall makalipas ang unang isang taon pagkatapos maupo sa posisyon ng opisyal na penipetisyon samantalang hindi naman na maaaring ihain sa nalalabing isang taon ng kaniyang panunungkulan.

Kapag naihain na sa tanggapan ng Comelec ang petisyon, kailangang itakda ng Komisyon ang recall sa loob ng 45 araw mula ng maihain ang naturang petisyon. Ayon sa batas, ang opisyal na ipenipetisyon ay otomatiko ring kandidato sa recall election samantalang ito’y magiging bukas naman sa iba pang gustong kumandidato sa nasabing posisyon.

Batay rin sa Seksyon 73 ng Local Government Code, hindi maaaring mag-resign si Mayor Grande kapag natanggap na ng Comelec ang recall petition, samantalang kung siya pa rin ang makakakuha ng pinakamaraming boto, mangangahulugan ito na nakuha pa rin niya ag kumpiyansya ng taumbayan at maipagpapatuloy niya ang kaniyang panunungkulan.|-BALIKAS News Network