Events F.E.S.T.

11th Maliputo Festival, itinampok sa 63rd Foundation Day ng San Nicolas

By VINCENT OCTAVIO & JOENALD MEDINA RAYOS

KAALINSABAY ng pagdiriwang ng 63rd Founding Anniversary ng bayan ng San Nicolas sa Lalawigan ng Batangas, ipinagdiwang ng mga residente rito ika-11 pagtatanghal ng Maliputo Festival na tinampukan din ng pagbabasbas ng kanilang bagong municipal hall.

Naging bahagi ng pagdiriwang ang ibat ibang serbisyo publiko para sa kaniyang mga mamamayan. Kabilang dito ang pamimigay ng tig-10 kilong bigas sa mahigit 2,000 senior citizens.

Ang pagdiriwang ng Maliputo Festival ay itinuturing na makasaysayang nagaganap sa bayan ng San Nicolas sa loob ng labing isang taon.

Ang isdang maliputo ay tanging sa bahagi ng lawa ng Taal lamang makikita at mahuhuli o sa Pansipit River na nagdurugtong sa Lawa ng Taal at sa Balayan Bay sa gawi ng bayan ng Lemery.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Maliputo Festival ay nagkatoon ng pagtatagisan ng galing sa pagluluto ng iba’t ibang putahe gamit ang isdang maliputo.

Nagkaroon din ng Kayak Race kung saan kasali ang mga kalalakihan mula sa iba’t ibang barangay ng bayang ito. Ang mga kalahok ay nahati sa tatlong kategorya na Single, Double at Triple Category.

Ayon kay Mayor William Enriquez malaki ang naitulong ng turismo sa pag-angat ng kanilang bayan. Dahil sa isdang maliputo ay nakikilala na sa bansa ang kanilang bayan. Marami na rin ang mga turistang bumibisita upang masilayan ang magagandang tanawin dito, particular ang Lava Walk Adventure.

“Ito ang pagkakataon namin para ipakita ang kagandahan ng aming bayan, makatulong sa pangturismong kalakalan upang sa ganon ay makapagpaangat pa ng antas ng aming bayan sa mula sa pagiging 5th class municipality upang maiangat namin sa fourth o third class sa pamamagitan ng turismo. Ito ang dahilan kaya ginagawa namin itong mga ganitong programa gaya ng Maliputo Festival na kung saan ay dito lang sa amin nahuhuli, pahayag ni Mayor Enriquez.

Dagdag pa niya, “ang maliputo ay maipagmamalaki sa buong mundo na napakasarap dahil mga kilala at mga tanyag na tao ang syang bumibili na kung saan ay dapat makilala ng buong bansa na dito sa San Nicolas may masarap na isda na ito nga ay ang isdang maliputo.”

Ikinatuwa din ng alkalde na malaki ang naging improvement ng kanilang festival dahil noong nakakarang mga taon ay sa plasa lamang nila ipinagdiriwang ang festival, ngunit ngayong taon ay sa mismong Bay Walk na ng Bayan ito idinaos na lalong nagpakita sa ganda ng lawa ng Taal.

Ipinagmalaki din ni Mayor Enriquez na tumaas ang income ng tourism mula nang sya ay maupo bilang alkalde ng bayan.

“Mula rin lamang dito sa San Nicolas puwedeng makarating ang mga turista sa creater ng Taal. Sa ibang bayan, puwede naming silang makarating Taal Volcano pero hindi sila nakakarating sa creater. Ang creater ang pinakamagandang bahagi at masasabi mong nakarating ka sa paraiso pag nakarating ka doon na dito lamang sa San Nicolas ang entry point papunta doon,” pagmamalaki pa ng alkalde.

Aniya pa, ang bayan ng San Nicolas ay may tinatawag na Lava Walk na nasa Taal Volcano mismo na halos ay araw-araw ding dinarayo ng mga turista upang masilayan ang kagandahan ng lawa ng Taal at ang bayan ng San Nicolas.

Plano ng lokal na pamahalaan na mas lalo pang pagandahin ang Maliputo Festival sa susunod na mga taon upang mas marami pang turista ang kanilang mahikayat na bisita sa kanilang bayan.|#BALIKAS_News