News

“We lost 2 brave men; they are our heroes” – Delvo

By JOENALD MEDINA RAYOS

CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas City  – “IN our eyes and in our minds, they are considered heroes protecting their communities and the nation as well. While we know that are not perfect in all our operations, we can say that we are not resting on our laurels either… but doing our best, even it costs us the loss of our men.”

Ito ang seryosong pahayag ni Police Senior Superintendent Alden Delvo, officer-in-charge ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) sa isang maikling kumperensya dito sa Kampo Miguel Malvar, Biyernes ng hapon, kaugnay ng naganap na engkwentro ng pulisya at ng armadong grupo sa Barangay Benirayan, Laurel, Batangas, Huwebes ng hapon.

Nasawi sa naturang engkwentro sina Police Senior Inspector Alvin Kison, nakatalaga sa Provincial Intelligence Branch (PIB) ng BPPO, at Senior Police Office 2 Edilberto Eje, nakatalaga sa Laurel Municipal Police Station.

PSSupt. Alden Delvo, OIC, Batangas Provincial Police Office habang sumasagot sa mga mamamahayag sa isinagawang kumperensya, Biyernes ng hapon.|JOENALD MEDINA RAYOS

“We consider this as a big loss to our men. Capt. Kison [a member of PNPA Mandilaab Class 2014] is a very dedicated officer; so also SPO2 Eje,” may panghihinayang na pahayag ng ama ng pulisya sa lalawigan.

“We will not stop here, but we will go after them. Hindi man natin pwedeng sabihin sa loob ng ganito o ganiyang oras o araw ay mahuhuli natin sila, but we can assure you that we will not stop until the arms of the law will bring justice to this case,” dagdag pa ng opisyal.

Idinagdag rin ni Delvo na ang napaslang na suspek na si Dorante Suarez, alyas Darren, ay dating konektado sa nalansag na Bantugon Group na pinaniniwalaang responsable sa mga kaso ng robbery hold-up at illegal drug distribution. Konektado rin umano ang suspek sa gun-for-hire activities sa Una at Ikalwang Distrito ng Batangas.

Nahaharap na din umano ang suspek sa patung-patong na kaso ng frustrated murder, violation of PD 1866 at serye ng robbery hold-up sa mga bayan ng Laurel at Balayan, Batangas. Siya rin ay itinuturong konektado sa pagpatay kay Punumbarangay Inog Amo, kapatid ni Laurel mayor Randy Amo noong nakalipas na taon.

Samantala, ang napatay namang si Erwin Arriola na nagsilbing drayber ng sasakyan ni Alyas Darren ay dati nang sumuko sa ilalim ng Project Tokhang, ngunit dahil na rin umano sa mga koneksyon niya sa illegal drug trade ay nakatala pa rin sa Illegal Drug Watchlist ng Laurel PNP.

Dagdag pa ni Delvo, ang mga suspek ding ito ang sinasabing nasa likod ng mga napaulat na robbery/hold up sa isang supermarket chain sa Lunsod ng Tanauan at sa isang kumpanya ng sigarilyo sa First Philippine Industrial Park (FPIP).

Nitong Huwebes ng hapon, nagsasagawa ng casing/surveillance operation laban sa mga organized crime groups ang grupo ni Kison nang makumpirma ang presensya ng mga suspek sa naturang lugar.

Sakay ng dalawang unmarked hi-ace van ang dalawang grupo ng mga operatiba – isang grupo na pinamumunuan ni PSI Kison at isa pang pinamumunuan naman ni Police Senior Inspector Jay B. Baysa – nakita nila ang kotseng sinasakyan ng mga suspek, dahilan upang habulin ng mga operatiba ang mga suspek.

Nang matapatan umano ng grupo ni PSI Baysa ang kotse ng mga suspek, nakumpirma ng opisyal na si Suarez nga ang nakaupo sa unahang passenger seat ng kotse na hawak ang isang kalibre 45 sa kaniyang kandungan. Kaagad na nag-overtake ang grupo ni Baysa at hinarangan sa daan ang mga suspek. Kaagad umanong pinaputukan ni Suarez ang mga operatiba, dahilan upang magsikubli at gumanti ang mga ito.

Nasa gawing unahan ng  kotse noon si SPO2 Eje habang nakikipagpalitang putok nang tamaan ito sa ibabang bahagi at masapol sa may pantog. Kaagad namang sumaklolo si Capt. Kison mula sa likurang bahagi ngunit napuruhan din siya sa balikat at sa ibaba ring bahagi ng katawan.

Naiganti naman ng ibang operatiba ang mga kabaro at napaslang din on the spot ang dalawang suspek.

Kasunod nito ay isinugod pa sa St. Frances Cabrini Medical Center sa bayan ng Sto. Tomas sina Kison at Eje ngunit pumanaw rin habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente samantalang patuloy rin ang pagtugis sa hindi bababa sa apat pang kasamahan ng mga suspek na nakatakas sa operasyon.

Tiniyak naman ni Delvo na may kumpletong survisorship assistance ang pambansang pulisya sa mga naulila ng mga napaslang na pulis.|#BALIKAS_News

2 pulis, 2 suspek, patay sa bakbakan sa Laurel

Share this: