News

Suspek sa co-ed rape slay, nadakip na; kaanak ng biktima, kontra-bitay pa rin

By JOENALD MEDINA RAYOS

LIPA City – MANANATILING buo at at hindi mababago ang desisyon ng mga kaanak ng biktima sa isang co-ed rape slay incident sa lungsod na ito na maging kontra-bitay pa rin sa kabila ng karumal-dumal na sinapit ng biktima sa kamay ng suspek.

Sa ginanap na pulong-balitaan sa Camp Miguel Malvar sa Lungsod Batangas nitong Huwebes ng umaga, mariing inihayag ni Rt. Rev. Msgr. Ruben Dimaculangan, Vicar General ng Arsidiyosesis ng Lipa at tiyuhin ng biktimang si Fidex Therese Maranan y Dimaculangan, na buo pa rin at hindi mababago ang paninindigan ng kanilang pamilya na manatiling kontra sa pagpapataw ng parusang bitay sa suspek.

Aniya, naniniwala ang kanilang pamilya at naninindigan na hindi solusyon sa pagdami ng kaso ng panggagahasa at pagpatay ang pagpapataw ng parusang bitay, lalo na at laging naroroon ang posibilidad na magkaroon ng miscarriage of justice o pagkakamali sa pagbibigay ng hatol sa kaso gaya ng pagpaparusa sa maling indibidwal.

Nasa ikatlong araw na simula ng patayin at gahasain nang madiskubre ang karumal-dumal na krimeng sinapit ng biktimang si Fidex Therese, 21 taong gulang, 4th year college student, sa kanilang tahanan sa Lourdes St., Miracle Heights Subd., Brgy. Antipolo del Norte, lungsod na ito.

Magkasamang iniharap nina PCol. Edwin Quilates, provincial director, at PLtCol Ramon Balauag, hepe ng Lipa City Police Station, si Jorge Benedicto y Arobog ng San Mariano, Victoria, Oriental Mindoro, ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay kay Fidex Therese D. Maranan, 21, ng Miracle Heights Subd., Brgy. Antipolo del Norte, Lipa City. [Kanan]|Si Msgr. Ruben Dimaculangan, vical general ng arsidiyosesis ng Lipa, at tiyuhin ng biktimang si Fidex Therese D. Maranan.| BALIKAS Photo | Joenald M. Rayos

Unang naging suspek o person of interest sa nasabing krimen ang nobyo ng biktima at ang pinsang-buo ng biktima na si Romulo Maranan, at ang mga gwardiya sa nasabing subdibisyon.

Sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya, lumutang ang pangalan ng isang gwardiyang si Jorge Benedicto y Arobog na nawawala o hindi rumeport sa kaniyang takdang duty noong Mayo 15 ng gabi hanggang Mayo 16 ng umaga.

Dahil dito, nagdesisyon ang mga otoridad na i-rebyu ang closed-circuit television (CCTV) footages sa subdibisyon at dito nakita si Benedicto na naglalakad sa labas ng tinutuluyang barracks ng mga gwardiya patungo sa may kanto ng San Rafael at Lourdes Streets kung saan nakita ang bangkay ng biktima.

Ngunit hindi rin makita ang suspek na si Benedicto sa tinutuluyang bahay nito sa Brgy. Sabang, lungsod na ito. Sa tulong ng isang kasamahang guwardiya, at ng kinakasama ni Benedicto, natunton din ng otoridad ang suspek.

Mayo 21, inihayag ng live-in partner ni Benecito na si Angelica Ponce Roco sa pulisya na matapos umuwi sa kanilang tinutuluyang bahay ay nag-impake ito ng gamit at nagpaalam na uuwi sa Mindoro.

Sa sinumpaang salaysay naman ng gwardiyang si Marvin Opeña, nag-inom pa umano sila ng alak ng suspek noong gabi ng Mayo 15 sa loob ng kanilang barracks. Noon din aniyang gabing iyon ay makailang ulit pang sinabi ng suspek kay Opeña na may matindi siyang pagnanasa sa biktima kung kaya niyaya siya ng suspek na gahasain ang biktima, bagay na ikinagalit naman niya.

Ang salaysay na ito ni Opeña at ang nakuhang CCTV footage ay malinaw na indikasyon ng mga ebidensya laban sa suspek.

Sa tulong ng kinakasamang si Roco, at sa pakikipag-ugnayan sa Victoria Municipal Police Station sa Oriental Mindoro, ikinasa ng pulis-Lipa sa pamumuno ni PLtCol. Ramon Balauag ang pagtugis sa salarin, ngunit nahirapan umano silang tuntunin ito matapos magkunwaring pahinante sa mga trak nang tumawid itong pa-Mindoro.

Kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Batangas at ng Victoria MPS sa pamumuno ni PCpt Jemorie Vergara, nakorner ng mga pulis-Lipa ang suspek na si Benedicto noong Martes ng hapon, Mayo 21, matapos ang ilang beses iligaw ng suspek ang mga operatiba.

Kasalukuyang nang nakapiit sa custodial facility ng Lipa City Police Station ang suspek na si Benedicto samantalang naisampa na sa piskalya ang kasong rape with homicide laban sa kaniya.

Ayon pa kay Balauag, tumugma rin ang DNA test na isinagawa ng Batangas Provincial Crime Laboratory sa mga specimen na nakuha sa crime scene at sa suspek.

Kinilala naman ni PCol. Edwin Quilates, Batangas provincial police director, ang kahusayang ipinamalas ng mga tauhan ng pulis-Lipa sa pamumuno ni Balauag upang matiyak na malulutas ang kasong ito.|#BALIKAS_News