News

Pagpapatupad ng Batangas Transport and Road Usage Code, tinalakay muli sa kapitolyo

ISANG pagpupulong at konsultasyon ang muling isinagawa kaugnay sa pagbabalangkas sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Batangas Provincial Ordinance No. 008 o ang Batangas Transport and Road Usage Code sa Provincial Planning and Development Conference Room, Capitol Compound, Batangas City, Agosto 16.

Ang nasabing ordinansa ay naglalayong maisaayos ang transportasyon, batas trapiko at paggamit ng lansangan sa buong Lala-wigan ng Batangas, na iniakda ni 5th District Board Member Arthur “Bart” Blanco at sinusugan ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas nitong panimula ng taong 2019. Pormal itong naging batas, nang lagdaan ni Gov. DoDo Mandanas noong ika-4 ng Marso 2019.

Ang pagpupulong na pinangunahan ni retired Col. Anicieto S. Malapitan ng Provincial Public Order and Safety Department (PPOSD) ay nagbigay daan sa isang malayang tanungan at talakayan sa pagitan ng iba’t ibang transport groups at stakeholders upang maging malinaw ang nilalaman at isinasaad ng nasabing panlala-wigang ordinansa.

Ayon sa may-akda ng ordinansa, mahalagang maipatupad na ang batas upang makapaghatid ito ng kaayusan sa lalawigan patungo sa isang maunlad na ekonomiya.

Binigyang-diin nito na makatu-tulong ang batas sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, at pag-aalis ng mga poste at pagbabawal gawing paradahan ng mga trak ang mga pinaluwang na mga kalsada sa lalawigan.

Naging obserbasyon naman ni Batangas City Councilor Nestor Boy Dimacuha na kakailanganin ang political will, barangay intervention, at kooperasyon upang maging matagumpay at epektibo ang pagpapatupad ng nasabing ordinasa.

Dumalo sa pagpupulong ang iba’t ibang transport groups sa lalawigan, mga focal persons ng local government units (LGUs), mga opisyal ng LGUs, Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine National Police (PNP) Batangas, PNP Highway Patrol Group, at Land Transportation Office (LTO).
Nakiisa rin sa pagtitipon sina 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, Provincial Planning and Development Office head Benjamin Bausas.

Pahayag ni Col. Malapitan, buo ang suporta ng PPOSD at ni Gov. Dodo Mandanas sa pagpapadali ng implementasyon ng ordinansa.| – JunJun De Chavez