News

Ona, umapela ng pang-unawa, ngunit hindi humingi ng dispensa

By JOENALD MEDINA RAYOS

KAPITOLYO, Batangas City – UMAPELA si Batangas Vice Governor Sofronio C. Ona, Jr. sa publiko, partikular sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at sa mga mamamahayag, na aniya’y sana’y maintindihan ang mga kalooban ng bawat isa at pagbigyan na ang nangyaring bangayan sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong kabilang Lunes, Nobyembre 5, ay palipasin na lamang, ngunit binigyang-diin na hindi siya humihingi ng kapatawaran.

Pagkatapos na itindig ang sesyon, humingi ng ilang minuto si Ona sa mga miyembro ng konseho saka nagpahayag ng kaniyang panawagan.

“… But you know, kahit anong isip ko, okey, lahat naman ay may ipinaglalaban, lahat naman ay may puntos. Pero ang buod dito ay meron lahat gustong makatulong at mailinaw. So hindi natin masasabing may pagkukulang o may pagkakamali ang isang board member. Dala lamang siguro ng panahon, lalo na at pressure natin lahat sa mga nalalapit na hinaharap sa eleksyon,” pahayag ng bise-gobernador.

Idinagdag pa niya na: “Ako po’y nakikiusap na ang Sangguniang Panlalawigan ay magpatawaran, okey, at magkalimutan sa mga maiinit na mga salita na nabitawan noong nakaraang eleksyon (sic). We should stay united. We should always think of the sanctity of the Sangguniang Panlalawigan. Lahat ng mag-asawa’y nag-aaway, lahat ng magkapatid, magkaibigan, mag-girlfriend at mag-boyfriend ay nagkakaroon ng kanya-kanyang friction, eh tayo pa kaya na mga board members na marami ring dinadalang mga problema sa buhay. Ang aking apela, ganun din sa ating mga kaibigan sa media, ito lamang po ay parte ng isang demokratikong pamamaraan na hindi rin talaga maiiwasang mangyari. Sa inyo pong lahat, maraming salamat. Mabuhay ang Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.”

Kasabay ng pagpalakpak ng mga nasa loob ng session hall, sinambit ni Senior Board Member Rowena Sombrano-Africa, ang katagang “apology accepted”. Ngunit mabilis ding sumagot si Ona at sinabing “I did not apologize!”

Sa pagsisimula pa lamang ng sesyon noong Lunes, Nobyembre 12, hiniling ni Africa kay Ona ang paliwanag ng bise gobernador kung bakit nito idineklarang “out of order” ang bokala, na siyang naging mitsa ng hindi magandang palitan ng salita noong sinundang sesyon.

Ayon kay Africa, gusto lamang niyang malaman ang batayan ng bise gobernador bilang presiding officer kung bakit siya sinabihan ng out of order gayong ang kaniyang gustong talakayin ay napapanahon at nauugnay sa unang binuksang usapin ng ordinansang inakda ni BM Jonas Patrick Gozos.

Sagot naman ni Ona, kapag wala na umano sa session proper at ang ihahayag ng isang miyembro ng Sanggunian ay hindi nire-recognize ng presiding officer, ito anya ay batayan para ideklara ng presiding officer na out of order ang isang kasapi ng kapulungan.

Matatandaang sa nasabing sesyon ay kaagad na hiningi ni BM Alfredo Corona sa bise-gobernador bilang presiding officer na magdeklara ng 5-minute recess upang mapag-usapan at mabigyang-linaw kaagad ang hinihinging paliwanag ni Africa, ngunit sa halip na pansinin ito ni Ona, at kaagad na nagdesisyon itong i-adjourn ang sesyon.| #BALIKAS_News