News

No Vaping Ordinance sa Batangas, pasado na

By JOENALD MEDINA RAYOS

‘E-YOSI KADIRI NO MORE!’  Ito ngayon ang bukambibig ng publiko matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga naninigarilyo gamit ang e-cigarette gaya ng vape at Juul sa mga pampublikong lugar.

Ngunit bago pa man ipalabas ng Pangulo ang nasabing kautusan, nauna nang umaksyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Batangas nang pagtibayin sa Ikatlo at Huling Pagbasa sa regular na sesyon ng konseho nitong Lunes, Nobyembre 18, ang “No Smoking and Vaping Ordinance” of Batangas.

Sa kaniyang Sponsorship Speech, sinabi ni 2nd District Board Member Arlina Bantugon Magboo na sa panahong ito na mabilis na dumarami ang gumagamit ng iba’t ibang uri ng e-cigarette na ayon sa mga pag-aaral ay may katulad ding epekto sa kalusugan ng tao, napapanahon na rin aniya para susugan o amyendahan ang Provincial Ordinance No. 005, Year 2014 o kilala bilang “No Smoking Ordinance” of Batangas.

Kasama ni Magboo na pangunahing may-akda ng No Smoking and Vaping Ordinance sina 3rd District BM Jhoanna C. Corona at 4th District BM Jonas Patrick M. Gozos.

Pahayag pa ng mga may-akda ng ordinana, mahalagang bigyang-proteksyon ng pamahalaan ang publiko lalo na ang mga non-smokers laban sa masamang dulot sa kalusugan ng paninigarilyo – maging ito man ay ang kumbensyunal an sigarilyo o ang mga electronic cigarette sa anumang porma.

Ang vaping ay ang paggamit ng mga electronic cigarettes, electronic nicotine delivery systems at electronic non-nicotine delivery systems (ENDS / ENNDS) sa porma ng mga non-tobacco containing e-liquids o mga refills nito at mga electronic delivery device na nagpoprodyus ng aerosol na hinihithit (inhale) at nagbubuga ng makapal na usok.

Unang Lalawigan sa ‘Pinas. Ang Lalawigan ng Batangas ang kauna-unahang lalawigan sa buong bansa, at ika-apat na local government unit (LGU), kasunod ng Lungsod ng Baguio, Lungsod ng Pasig at Lungsod Pasay, na nagpasa ng ordinansang naglilimita o nagre-regulate sa vaping.

Alinsunod sa Seksyon 5 ng bagong ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo (smoking) at vaping o paggamit ng electronic cigarettes, electronic nicotine delivery systems at electronic non-nicotine delivery systems (ENDS / ENNDS) sa mga sumusunod na lugar sa buong lalawigan ng Batangas:

  1. Centers of youth gaya ng lahat ng uri at lebel ng paaralan, kolehiyo o unibersidad, youth hostels at mga recreational centers for minors;
  2. Mga elevator at hagdanan;
  3. Mga lugar na may fire hazards gaya ng mga gasolinahan, imbakan ng mga petrolyo, gas, mga pasabog, at iba pang mga madaling magliyab na produkto;
  4. Mga gusali at bisinidad ng mga ospital, lahat ng uri ng klinika, bahay-ampunan, at mga laboratoryo;
  5. Pampublikong lugar  gaya ng paliparan, daungan, mga terminal o himpilan ng mga pampublikong sasakyan, mga restoran, conference halls (maliban sa mga itinakdang smoking areas);
  6. Kantina, komisaryo at iba pang lugar-handaan ng pagkain; at
  7. Mga bahay-pamahalaan sa barangay, munisiyo, lungsod at lalawiugan.”

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbebenta ng anumang uri o porma ng mga electronic cigarettes, electronic nicotine delivery systems at electronic non-nicotine delivery systems (ENDS / ENNDS) sa mga menor-de-edad at mga lugar na nasa 100 metrong layo mula sa mga sentro ng kabataan gaya ng mga paaralan, kolehiyo at unibersdiad.

Hindi pa man nagsisimulang maipatupad ang bagong Ordinansa, animo nama’y malaking sunog na mabilis na kumalat sa social media ang mga reklamo at komento ng mga kumokontra sa nasabing regulasyon.

Samantala ay nanindigan naman ang Department of Health (DoH) na gayan ng mga kumbensyonal na sigarilyo, may malaki ring masamang epekto sa kalusugan ng tao ang mga electronic cigarettes.| – BALIKAS News Network