Pagtatayo ng Marian Shrine sa Batangas, ‘di na matutuloy –Fr. Suarez

Ika-15 ng Pebrero, 2010 | LUNGSOD NG BATANGAS- Sa isang misang idinaos ni Fr. Fernando Suarez, ang tinaguriang healing priest, sa Monte Maria nitong ika-14 ng Prebrero, ay kaniyang ipinahayag na hindi na matutuloy ang Marian Shrine sa Pagkilatan, Lungsod ng Batangas at ililipat na sa Lungsod ng Tagaytay.

Ayon kay Suarez, ang desisyong ito ay resulta ng mahabang pagpupulong noong ika-1 ng Pebrero sa pagitan ng grupo ni Congressman Dodo Mandanas, na siyang may-ari ng limang ektaryang lupa na tinatayuan ng proyekto sa Pagkilatan, si Arch. Ramon Arguelles, at mga kaparian mula sa Diocese of Lipa at mga miyembro ng Mary Mother of the Poor Foundation na siyang namamahala ng proyektong Monte Maria.

Aniya, hindi sapat ang limang ektaryang lupa na pagtatayuan sana ng proyektong ito upang matugunan ang pangangailangan ng napakalaking dami ng taong inaasahang dadagsa dito sa oras na matapos ang proyekto.

Kailangan din dito aniya ang malawak na paradahan upang maging ligtas at maayos ang sitwasyon ng mga bisita rito.

Nagdesisyon ang healing priest na kailangang bumili ng karagdagang lote para sa proyekto subalit ang dating 50 pisong halaga ng lupa sa naturang barangay na malapit sa dagat bawat metriko kwadrado ay agad tumaas sa 6,000 hanggang 9,000 piso.

Dahil dito, ayon pa rin kay Fr. Suarez, na hindi nila kayang bayaran ang presyo na hinihingi ng may-ari ng lupa.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Fr. Suarez na mananatili ang Sto. Nino Shrine na pagdarausan ng misa at ipagpapatuloy ang mga proyekto ng Mary Mother of the Poor Foundation para sa mga mahihirap tulad ng pangkabuhayan, pagpapakain, at mga scholarship.

Samantala, ayon kay Marvey Marino, konsehal ng lungsod, na suportado ng lungsod ang ang proyekto ito hindi lamang para sa mga relihiyoso at mamamayan ng lungsod kundi sa labis na benepisyong idudulot nito sa turismo at pagsulpot ng mga trabaho.
..................................................................................................................................................