Kasunduan para sa payapa, malinis na halalan, nilagdaan

Ika-15 ng Pebrero, 2010 | LUNGSOD NG LIPA- Ipinakita ng mga kandidato sa lalawigan ng Batangas ang pagkakaisa para sa mapayapang halalan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Peace Covenant noong ika-7 ng Pebrero sa San Sebastian Cathedral, Lungsod ng Lipa.

Isinangtabi muna ang pulitika at pagkakaiba ng prinsipyo at partido ang mga ito ay nakiisa sa isang banal na misa na pinangunahan ni Lipa Archbishop Ramon Argeulles.

Lumagda sa Covenant of Peace si Batangas Governor Vilma Santos Recto at kanyang asawa Senador Ralph Recto kasama ang mga mga kandidato ng Liberal Party sa Batangas.

Nakiisa sa okasyon si dating Excutive Secreatary Eduardo Ermita na tatakbong Congressman sa Unang Distrito at dating Gobernador Arman Sanchez kasama ang mga tatakbong kandidato sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi at Nacionalista.

Sa banal na misa ni Arguelles, bago ganapin ang pagpirma, sinabi nito na iba’t iba man ang kulay na kasuotan ng mga kandidato bunsod ng pagkakaiba ng partido ang pagpapakita ng pagkakisa para sa mapayapa, malinis at maayos na eleksyon ay maiikumpara sa isang bahaghari.

Aniya, “Ang pagsasamasama ninyo ngayon ay isang senyales ng bagong pag-asa ‘di lamang sa lalawigan ng Batangas kundi sa buong bansa.”

Layunin ng Covenant of Peace na isinulong ng simbahan at ng Commisssion On Elections na magkaroon ng muling pagkakaroon ng mabuting moral at pagsusulong ng kapayapaan at walang korapsyong gobyero sa bansa sa pamamagitan ng mapayapa, tapat, maayos at malinis na eleksyon sa Mayo.
..................................................................................................................................................