Ika-15 ng Pebrero, 2010 | LUNGSOD NG QUEZON- Habang papainit na ang pangangampanya, ang grupong nagmamanman sa mga basura at polusyon, ay hinimok ang mga pulitiko na huwag iisantabi at saktan ang kalikasan sa kanilang pangangampanya upang iboto sila sa Mayo.
Umapila ang EcoWaste Coalition sa mga kumakandidato na iiwas ang kanilang sarili sa pagwawaldas ng kanilang salapi at pagpapalala ng basura at polusyon sa bansa dahil sa pangangampanyang isinasantabi ang kalikasan.
Anila, ilan sa maituturing na hindi magandang uri ng pangangampanya na nakasisira sa kalikasan ay ang pagpapako ng poster at banner sa mga puno, labis na paggamit ng maraming bagay sa pangangampanya, pagpapaputok habang nasa miting de avance, ang pagpapakain sa kanilang mga taga-suporta gamit ang styrofoam at pagkakalat sa mga lugar kung saan nangangampanya.
Upang matulungan ang mga kandidato, ang EcoWaste Coalition ay naghanda ng mga gabay para sa malinis at maka-kalikasang pangangampanya.
Anila, nararapat na iwasan ng mga kandidato ang labis na paggamit ng materyales sa pangangampanya gaya ng mga polyeto, poster, sticker, tarpaulin streamer, at iba pa.
Hangga’t maaari ang mga materyales sa propaganda ay yaong mga niresiklo gaya ng papel at lagyan din ng mensaheng: “para sa ating kalusugan at kalikasan, huwag pong ikalat, itambak o sunugin”, dagdag pa ng EcoWaste.
Nararapat ding iwasan ng mga kandidato ang paggamit sa mga materyales na mahirap irisiklo gaya ng confetti, banderitas at mga lobo na karaniwang itinatapon na lamang at sinusunog.
Kanila ring iminumungkahi na ang mga tatakbo sa Mayo ay kailangang magtalaga ng tao o grupo sa pangangampanya na magiging responsable sa pagiging maka-kalikasan ng kampanya at mga aktibidad.
Samantala, nakuha naman ng grupo ang suporta ni Deogracias Iñiguez, Jr., na siyang namumuno sa Public Affairs Committee ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hinggil sa kampanya para maka-kalikasang halalan.
Pahayag ni Iñiguez sa mga kandidato, “Pakiusap, pakinggan ang panawagan ng EcoWaste Coalition para sa malinis ang maka-kalikasang pangangampanya, makipagkasunod sa mga kapwa kandidato at ipakita sa mga tao kung gaano kayo nagmamalasakit sa Inang Kalikasan.”
..................................................................................................................................................