Suplay ng gasolina sa bansa, magkukulang

Ika-25 ng Enero, 2010 | LUNGSOD NG BATANGAS- Pinapangambahang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng krudo sa bansa kapag kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang mga shipment ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation (PSPC) dahilan sa hindi nito pagbabayad ng 7.3 bilyong pisong excise tax mula taong 2004 hanggang 2009.

Ito ang naging ipinagbigay ulat ng opisyal ng Shell sa nakaraang palihan sa Shell Refinery sa lungsod na ito noong ika-18 ng Enero, upang ipaliwanag sa iba’t ibang sektor ng komunidad ang problema ng nasabing kumpanya hinggil sa nasabing buwis na sinisingil ng Bureau of Customs.

Ayon kay Arnel Santos, Vice President for Manufacturing ng Pilipinas Shell, kailangan nilang magbigay ng tamang impormasyon sa publiko hinggil sa sitwasyon ng kanilang kumpanya at ang maaring maging epekto nito sa bansa partikular sa ekonomiya.

Idinadahilan din ng Shell na nakabatay sa ruling ng nagdaang opisyales ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang importasyon ng Catalytic Cracked Gasoline (CCG) na ginagamit sa produksyon ng gasolina ay hindi dapat patawan ng excise tax.

Pinanghahawakan ng Shell ang naging opinyon ng dating BIR Commissioner na hindi dapat patawan ng buwis ang CCG subalit ibinasura naman ito ni BOC Commi-ssioner Joel Tan Torres sa kanyang letter ruling noong ika-15 ng Disyembre, 2009. Dahil dito, ang petisyon ng PSPC ay wala nang ligal na batayan kung kaya’t kaagad pinababawi ng Solicitor General ang TRO na pumigil sa pagsingil ng Customs sa Shell.

Kaugnay nito, hiniling ng Shell sa Court of Tax Appeals (CTA) na pigilan ang BOC sa pag-antala ng delivery o release ng kanilang importasyon habang dinidinig pa ang kaso. Kapag nasunod ang Bureau of Customs, magbubunsod anila ito ng malawakang kakulangan ng suplay ng krudo at may implikasyon sa aspetong pang-ekonomiya at pampulitikal ng bansa.

Sa ika-9 ng Pebrero, magtatapos ang Temporary Restraining Order na inisyu ng CTA sa PSPC na nagpapatigil sa BOC upang ipatupad ang agarang pagsingil nito sa pagkakautang na buwis.
..................................................................................................................................................