
Sina Carmen Linda Atayde (ikaapat mula sa kaliwa), Executive Director for Education ng SM Foundation Inc., Lipa City Mayor Oscar Gozos (ikalima mula sa kaliwa), kasama ang iba pang opisyal ng Bulacnin National High School at mga kinatawan ng SM City Lipa sa pormal na pagkakaloob ng SM Foundation ng dalawang silid-aralan sa BNHS noong ika-22 ng Enero.
Ayon kay Carmen Linda Atayde, Executive Director for Education ng SM Foundation Inc., ang pagkakaloob ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan ay bahagi ng adbokasiyang pang-edukasyon ng SM Foundation, maliban sa college scholarship.
Aniya, ito ang ika-28 beses na nagbigay ng donasyon sa paaralan ang SM Foundation sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang bawat kuwarto nito ay may sukat na pitong metro ang lapad at may habang siyam na metro.
Pumipili ang SM Foundation ng kanilang pagkakalooban ng silid-aralan batay sa datos ng Department of Education (DepEd) hinggil sa mga paaralang higit na ngangailangan ng silid aralan, at kung saan mayroong mall ng SM.
Ayon pa kay Atayde, kanila ring tinitingnan ang populasyon ng paaralan, ang bilang ng mag-aaral sa bawat kwarto, at ang kasaysayan nito, gaya ng Bulacnin National High School na mahigit 30 taon nang nakatayo.
Hiniling din ni Atayde na pangalagaan ang mga silid-aralan dahil hindi lamang ito magagamit ng mga kasalukuyang nag-aaral at magtatapos kundi sa kanila ring magiging supling.
Ang naturang ipinagkaloob sa BNHS ay muling bibisitahin ng SM Foundation makalipas ang tatlong taon. Ang BNHS ay may 18 silid-aralan at mayroong mahigit 980 mag-aaral kung saan umaabot sa mahigit 50 mag-aaral ang umuukupa sa isang silid-aralan.
Samantala, sa darating na Mayo ay may mga iskolar magtatapos ang SM City Lipa.