EDITORIAL: Mainam na ipagpatuloy

Editorial Cartoon by Walter Lingon :
Philippines' 2010 automated election and the rotational brownouts.
philippines election, editorial cartoon, walter lingon

Ika-25 ng Enero, 2010 | Sa pagsisimula pa lamang ng gun ban noong ika-10 ng Enero, nasabat na ang dalawang wanted na kriminal sa checkpoint ng Commission on Election sa Taal, Batangas.

Kasunod na araw ay nasakote naman sina Reynan Jacobe at Albert Bartolome sa isa ring checkpoint ilang sandali matapos mangholdap at mapatay ang kanilang biktima sa Plaridel, Bulacan.

Noong ika-13 naman ng Enero, nadakip ang tatlong miyembro ng New People’s Army sa Laguna. Narekober sa kanila ang mga pampasabog, granada, at 203,000 piso
Ayon kay Chief Superintendent Leonardo Espina, taga-pagsalita ng Philippine National Police (PNP) sa panayam ng Manila Bulletin, umaabot nasa 285 katao na ang naaaresto sa 3,500 checkpoint sa bansa simula nang ipatupad ang gunban.

Nitong ika-22 lamang ng Enero, karagdagang 58 kato ang naaresto kasama ang tatlong opisyal ng gobyerno at dalawang pulis sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).

Maraming napatunayan ang hakbang na ito ng Comelec at ng Kapulisan: maraming tao ang walang habas na nagdadala ng armas kahit wala pa sa oras ng serbisyo, may mga taong ipinag-sasawalang bahala ang ibinabang kautusan, maraming gumagalang kriminal na maaari muling umatake, at maraming nasasakoteng masamang loob.

Samakatuwid, epektibo. Bagaman, may mga nakakalusot pa ring insidente ng pamamaslang ay sinisikap na rin ng kapulisang inspeksyonin ang mga bumibyaheng motor na karaniwang ginagamit sa ganitong krimen.

Kung gayong sa pamamagitan ng ganitong hakbang ay madaling nakakahuli ang kapulisan ng masasamang loob, bakit hindi na lamang ito buong taong ipatupad, at sa halip na sa isang lugar lamang ang checkpoint ay magpalipat-lipat ito ng puwesto.

Maaaring sa ganitong paraan utay-utay na mabawasan ang pamamaslang dahil sa kaluwagan sa pagdadala ng armas. Makatutulong din ito sa pagdidisiplina sa mga nagpapatupad ng batas hinggil sa tamang panahon ng pagdadala ng armas. Maaaring mapigilan din nito ang mga taong nagdadala ng armas habang bumibiyahe sa kalye na kapag uminit ang ulo sa gitgitan sa trapiko ay siyang ipinanakot o tuluyang ipinuputok, gaya ng kaso ni Jason Ivler.

Mainam na ipagpatuloy ang ganitong hakbang.
..................................................................................................................................................