Pangangalaga sa Lawa ng Taal, tagumpay --TFTL

Ika-18 ng Enero, 2010 | LUNGSOD NG BATANGAS- Matapos ang isa’t kalahating taong operasyon ng Task Force Taal Lake, itinuring ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang taong 2009 na tagumpay sa kampanyang pangkalikasan at salamin ng kakayahang pampulitika nito.

Ilan sa mga nagawa ng task force ay ang pagbabaklas ng mga iligal na fish cage at pagregulisa sa mga aktibidad sa ikatlong pinakamalaking lawa sa bansa, ang Lawa ng Taal, at sa tanging lagusan nito, ang Ilog ng Pansipit.

Wala ring naitalang kaso ng fish kill nitong 2009, isang positibong epekto ng matinding kampanya ng task force.

“Naniniwala kami na sa pagtagal-tagal makikita ng mga naninira sa amin ang benipisyo sa ginagawa naming mga nasa Task Force sa Taal Lake,” wika ni Gob. Santos-Recto noong ika-8 ng Enero sa isang ebalwasyon at pagpaplano sa Alitagtag, Batangas.

Sa kabila ng matinding pagkontra ng maimpluwensiyang grupo sa mga pagbabago ng pamamalakad sa Lawa ng Taal, ipinagpatuloy pa rin ng task force ang maka-kalikasan nitong layunin sa ilalim na rin ng direktiba ni Victor Reyes, Provincial Administrator ng Batangas.

Iniulat ni Reyes na umaabot na sa 5,000 iligal na istraktura ang natanggal sa lawa sa pagtatapos ng taong 2009.

Nakatulong din sa tagumpay ng task force ang suporta ng Department of Environment and Natural Resources, Protected Areas Management Board, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at ng Philippine National Police.

Samantala ngayong 2010, pangunahing proyekto ng task force ay kumpletuhin ang imbentaryo ng aktwal ng bilang ng mga fish cage na kasalukuyang nakatayo sa lawa kumpara sa mga napagkasunduang pinakamataas na bilang na dapat itayo sa bahaging maaaring pagtayuan ng fish cage.

Kinumpirma naman ni Gob. Santos-Recto na ang kinakailangang pondo ngayong 2010 bilang tulong pangkabuhayan sa mga pamilyang apektado ng kampanya ay nakakasa na at handa nang ipatupad.
..................................................................................................................................................