Ika-2 ng Nobyembre, 2009 | LUNGSOD NG LIPA- Isang pagsasanay sa reforestation o muling pagsasagubat ng Bundok Malarayat, gamit ang mga indigenous o likas na uri ng mga puno, ang kamakailan ay isinagawa sa mga barangay ng Sto. NiƱo at Talisay sa lungsod na ito.
Dito, ibinahagi ni Ryan Vita, Program Supervisor ng Earthday Network Philippines na isang maka-kalikasang organisasyon, sa mga nabanggit na barangay ang kakaibang teknolohiya upang mapangalagaan at mapataas ang katatagan ng mga wildling o punlang itatanim, ito ay ang pagtatayo ng growth chamber.
Ito ay isang punlaang may apat na metro ang haba at isang metro ang lapad. Binabalutan ito ng plastik, at may mga kawayan bilang pampatibay. Kaya nitong maglaman ng 1,000 punla.
Samantala, matapos ang pagbabahagi ng kaalaman ni Vita patungkol sa yaman ng Pilipinas, ay nangolekta ang mga kalahok sa pagsasanay ng mga punlang pananim sa kagubatan ng bundok Malarayat upang ilagay sa kanilang ginawang chamber. Kabilang sa mga kanilang nakuhang punla ay mula sa mga puno ng balobo, kupang, anai, tibig, at iba pang mga katutubong puno.
Bago ilagak ang mga punla sa chamber, ang mga pananim ay diniligan muna, at hahayaan na ang mga punlang ito sa loob ng tatlo o apat na buwan nang hindi na kailangan pang diligan.
Ang moisture o pawis na nalilikha sa pagkakakulong ng mga punlang pananim sa loob ng growth chamber ang magsisilbing pandilig sa mga punla dahil ginagaya nito ang sitwasyon sa loob ng kagubatan kung saan ang sirkulasyon ng tubig o water cycle ay nagaganap na siya ring pangunahing katangian ng ating mga kagubatan dito sa Pilipinas.
Maari lamang itong ilabas mula sa chamber makalipas ang mahigit dalawang buwan.
Mga pakinabang sa growth chamber
Samantala, humanga naman si Maximo Gajon ng Brgy. Talisay sa makabagong teknolohiyang natutuhan sa pagtatanim. Ang pagpapadami at pagbebenta ng mga punla katulad ng barakong kape, lanzones at iba pang namumunang puno ay isa sa pinagkakakitaan niya.
Ayon kay Gajon, mas marami pang magagawa kapag gumamit ng growth chamber sa pag-aalaga ng punla. Hindi lang aniya tubig ang matitipid sa pagdidilig kundi mailalaan pa aniya ang kanyang oras sa iba pang gawain.
Aminado naman si Romulo Rocafort ng Lipa City Agricultural Office na bago ang teknolohiyang ito sa kanya.
Nanawagan naman si Kapitan Eleno Mea ng Sto. Nino na maipaabot rin sa iba pang mamamayan ang natutunan sa naganap na pagsasanay nang sa gayon ay mas lumalim pa ang kanilang pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan.
Ulat mula sa Pusod Incorporated
..................................................................................................................................................