Panibagong 1,800 puno, itinanim sa bundok Malarayat

Ika-12 ng Oktubre, 2009 | LUNGSOD NG LIPA- Sa kabila ng masamang panahon noong ika-7 ng Oktubre, nagawa pa rin ng isang grupo na magtanim ng 1,800 katutubong puno sa bundok ng Malarayat na sakop ng Brgy. Sto. Niño dito.

treeplanting malarayat, watershed, lipa city, batangas, tubig-tinggalan
Hindi alintana ng pitong katao ang masungit na panahon nitong ika-7 ng Oktubre upang hindi sila matuloy sa pagtatanim ng 1,800 binhi ng katutubong puno sa bundok Malarayat na sakop ng Brgy. Sto. Nino, Lungsod ng Lipa.Larawan mula sa Pusod
Ang treeplanting ay bahagi ng proyekto ng Pusod Inc., isang maka-kalikasang organisasyon sa Lipa, makapagtanim ng 50,000 mga likas at katutubong puno sa Malarayat bilang rehabilitason dito. Sila ay nakapagtanim na ng 3,000 puno simula pa noong Agosto ng kasalukuyang taon.

Binubuo nina Jesus Bracero, Eddie Delos Santos, Nick Peralta, Elmar Pesa, Regino Regino Pesa, Ronnel Pesa, pawang mga taga-Sto. Niño, at Jennifer Edrial, Program Officer ng Pusod Inc., ang naturang grupo.

Ang Bundok ng Malarayat ay deklaradong Forest Reserve ayon sa Proclamation 842, ang bulubundukin ng Malarayat ay dapat protektahan dahil ito ay tubig-tinggalan na siyang pinagmumulan ng tubig ng Lipa, Balete, Malvar, lungsod ng Tanauan, San Jose at bahagi ng Makiling-Banahaw watershed.

Samantala, pinaalala ni Eddie Delos Santos na masasayang lamang ang itinanim kung walang magbabantay para magdilig at hawanan ang mga itinanim hanggang sa dumating ang panahon na kaya na ng punong mabuhay ng kanya. Kaya hiling niya na may tumutok sa pagmimintina ng tanim upang hindi masayang ang pagod at panahon ng mga nagtanim.

Sagot ni Edrial na may maitutulong ang Pusod sa pagmo-monitor ng mga itinanim bagama’t nasa mga barangay pa rin na nakasasakop sa Bundok Malarayat ang pagpapatuloy sa pagbabantay ng mga itinanim.

Ngunit para naman kay Jasmin Vilanueva, Forester ng Batangas-Department of Environment and Natural Resources Office, sa dami ng tinatrabaho ng DENR ay maaaring kumuha ng isang tao ang ahensya na opisyal ng barangay para protektahan ang gubat.
Ulat ni Carvelo L. Malubag
..................................................................................................................................................