Suplay ng tubig sa Lipa, bababa sa 2015 –pag-aaral

Ika-14 ng Setyembre, 2009 | LUNGSOD NG LIPA– Kapag patuloy na nasalaula ang bundok ng Malarayat dulot ng mga iligal na gawain gaya ng pagkakaingin at pamumutol ng punoy ay maaaring bumaba ang lebel ng suplay ng tubig sa buong Lipa sa darating na 2015.

Ito ang ipinakikita ng pag-aaral na isinagawa ni Engr. Domingo Semaña ng Metro Lipa Water District (MLWD) noon pang Nobyembre, 1999.

Sa nasabing bundok matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng tubig na pinagkukunan ng may 38,803 pamilyang Lipeño at mga karatig bayan at lungsod, ayon sa datos ng MLWD.

Kaugnay nito, sa pulong ng Lipa City Headwaters Council (LCHC) na ginanap sa pamahalaang lungsod ng Lipa noong ika-3 ng Setyembre, nagbigay-babala si Benedict Virrey, Forester ng National Power Corporation (NAPOCOR), sa LCHC na nanganganib na ang bahagi ng Bundok ng Malarayat na nasasakupan ng lalawigan ng Quezon at Laguna dahil umano sa pagkakaingin.

Ani Virrey, “Magandang tingnan ang malarayat sa Lipa site ngunit nakakalbo na sa side ng kabila.”

Samantala, pag-uuling naman ang nakikitang problema nina Eleno Mea, kapitan ng Brgy. Sto. Niño at Leonardo Novicio ng Talisay sa Bundok Malarayat, na ang ilang bahagi ng bundok ay nasasakupan ng naturang dalawang barangay.

Ayon kina Mea at Novicio, kaya pa namang mabigyang solusyon ang pag-uuling sapagkat malilit lang at pansariling gamit ang mga gumagawa nito.

Sa mga nakaraang pag-uulat ng Balikas noong 2007, ang Brgy. Sto. Niño ay nakaranas na ng mga paghina ng suplay ng tubig tuwing Mayo.

Una nang nagbigay babala ang MLWD hinggil sa nalalapit na pagkaubos ng tubig sa Bundok Malarayat sa pamamagitan ng artikulong inilabas ng Pahayagang Balikas noong Hunyo 11, 2007.

MGA PAGKILOS
Kaugnay pa rin sa pulong ng LCHC noong Ika- 3 ng Setyembre, inilahad ng Pusod Incorporated, isang maka-kalikasang grupong naka-base sa lungsod ng Lipa, ang kanilang proyekto na mapangalagaan ang tubig-tinggalan o watershed sa Bundok Malarayat.

Dito, nanawagan si Atty. Marla Barcenilla, Executive Director ng Pusod, sa mga kasapi ng konseho na makiisa sa proyekto katulad ng pagkakaroon ng mapa at pagtutukoy ng kinalulugaran ng tubig-tinggalan sa nabanggit na bundok.

Ibinahagi ni Barcenilla sa pulong ang pagsagawa ng malawakang pagtatanim sa mga kalbong bahagi ng Malarayat, mahigpit na pagbabantay sa mga paglabag sa patakaran sa Malarayat watershed kasama ang pagpa-patrol at pagmo-monitor sa mga nasasakupan ng Malarayat watershed.

Aniya, handa ring magbigay ng mga dagdag na kaalaman ang Pusod sa komunidad ukol sa pangangalaga ng tubig-tinggalan at sa mga isyu ng pagpapalit klima at pag-init ng daigdig.

Ayon naman kay Jennifer Edrial, Program Officer ng Pusod, nilalayon ng proyekto na makapagtanim ng 50 libong mga likas at katutubong puno sa Malarayat kung saan ay 1,200 na ang kanilang naitanim simula Agosto ng kasalukuyang taon.

Nagpahatid pangako rin si Atty. Glenn Mendoza, administrador ng Pamahalaang lungsod ng Lipa na magpapaunang tulong sa halagang 150 libong piso ang lokal na pamahalaan sa nasabing proyekto. Nagpahayag din ang NAPOCOR sa kanilang handang pagtulong sa Pusod hinggil sa proyekto.

Itinuturing na isang Forest Reserve ang Bundok ng Malarayat, ayon sa Proclamation 842, ang bahagi ng bulubundukin ng Malarayat ay dapat protektahan dahil ito ay tubig-tinggalan na siyang pinagmumulan ng tubig ng Lipa, Balete, Malvar, lungsod ng Tanauan, San Jose at bahagi ng Makiling-Banahaw watershed.

Ang Lipa City Head Water Council ay kinabibilangan ng Mayor’s Office, City Agriculture Office, City Engineering Office, City Assessor’s Office, City Environment and Natural Resources Office, City Planning and Development Office, Brgy Chairman ng Talisay, Sto Niño at Malitlit, Sangguniang Panlungsod, at Pusod Inc. Ito ay binuo noong 2007, sa bisa ng Sangguniang Panglungsod Special Ordinance Blg 53-2007, na naglalayong maiangat ang ekosistema ng Malayarat.
Ulat mula sa Pusod | Isinaayos ni Walter Lingon
..................................................................................................................................................