Mga pinsala ng mga lindol sa Batangas, patuloy na lumalaki

(UPDATED) TOTALLY damaged ang isang bahay sa Brgy. San Andres, bayan ng Bauan, Batangas samantalang naragdagan pa ang mga bitak at pagbagsak ng ilang bahagi ng Taal Basilica, at ang Basilca ng Inmaculada Concepcion sa Lunsod Batangas sanhi ng mga nagdaang lindol.

Tatlong sasakyan naman ang nagkaroon ng pinsala matapos mabagsakan ng gumuhong bahagi ng gusali sa Camp Netanya sa Brgy. Ligaya, Mabini, Batangas. Bumagsak din ang ilang bahagi ng Mabini Market at mga bakod na kongkreto. Ilan ding bahay at seawall ang gumuho samantalang nagkabitak-bitak ang lupa sa Sitio Balanoy, Brgy. San Teodoro.

Landslides:

Sa tindi ng mga pagyanig, nagkaroon ng mga landslides sa bahagi ng Bundok ng Maculot sa bayan ng Cuenca, Batangas.

Hindi madaanan ang isang lane ng Agoncillo Road at Bilibinwang Road sa bayan ng Mabini. Unpassable din ang Mabacong-Pagkilatan-Ilijan-Dela Paz portion ng Batangas Bay Road dahil sa mga gumuhong lupa at bato.

Pansamantalang inilabas muna kaagad ang mga pasyente sa ilang ospital sa lalawigan ng Batangas. May mga napaulat na nagbagsakang bahagi ng Mary Mediatrix Medical Center sa Lunsod ng Lipa samantalang at nagkabitak rin ang gusali ng Mabini General Hospital.

Bagaman at walang anunsyo ng banta ng tsunami, nagsilikas na rin ang ilang mga kababayan sa bahaging mabababang lugar gaya ng Wawa at Sta. Clara sa Batangas upang matiyak ang kaligtasan sa posibleng pagtaas ng tubig o daluyong.

Closed Churches

Isinara na muna ang Basilika ni San martin de Tours sa bayan ng Taal upang makaiwas sa mga panganib na dala ng mga naglalaglagang bato mula sa mataas na bahagi nito.

Nagdesisyon na rin ang pangasiwaan ng Basilica ng Inmaculada Concepcion sa Lunsod Batangas na isara na muna sa publiko ang naturang bahay dalanginan bunga ng mga bitak dito, at sa halip ay sa Plaza Mabini na muna isasagawa ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa mga regular schedules nito.

Mga panawagan

MARIING nanawagan sa publiko si Batangas governor Hermilando I. Mandanas na patuloy na manalangin samantalang patuloy ring maging handa at alerto sa banta ng lindol at iba pang kalamidad, samantalang nagpapatuloy ang assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Nanawagan na rin si Taal mayor Pong Mercado sa mga kababayang Taaleño na maging matibay at malakas ang loob na harapin ang mga banta ng sakuna, samantalang patuloy ang panawagan sa publiko na makibahagi sa pagpapatibay ng mga istruktuka sa Taal, ang heritage town ng Batangas.

“Nananawagan po ako sa ating mga Kababayan na mag ingat sa posibleng muling paglindol or “aftershocks”. I highly suggest na kung wala naman po mahalagang gagawin sa labas ay manatili na lang po tayo sa ating mga tahanan. Sama-sama po tayong manalangin para sa kaligtasan ng ating lungsod at mga kalapit bayan at lalawigan sa buong Luzon,” panawagan ni Lipa City mayor Meynard A. Sabili.

Sa available data ng United States Geological Survey (USGS), unang yumanig bandang 3:08 ng hapon na may Magnitude 5.7 [per Phivolcs Data: Magnitude 5.6] na lakas at naitala ang sentro nito sa isang kilometro hilagang-silangan ng Bagalangit, bayan ng Mabini, Batangas.

Isang minuto lamang ang nakalipas o 3:09 ng hapon, sinundan pa ito ng mas malakas na Magnitude 5.9 [per Phivolcs Data: Magnitude 6] na lindol at naitala naman ang sentro sa Talaga, bayan pa rin ng Mabini.

Kasunod ng kambal na pagyanig na ito, ilan pang malalakas na aftershocks ang naitala:Magnitude 5 (USGS) o 4.1 (Phivolcs) bandang 3:29 ng hapon; at Magnitude 4.7 (USGS at Phivolcs) bandang 4.36 ng hapon.

Reported Intensities: 
Sa report ng Phivolcs, ang mas malakas na Magnitude 6 na lindol bandang 3:09 ng hapon ay naramdaman sa lakas na Intensity VII sa Mabini, Batangas at Intensity VI sa bayan ng Tingloy, Nasugbu at Calatagan, Batangas. Umabot naman sa Intensity V sa Batangas City, Lemery, at Sto. Tomas sa Batangas, at Tagaytay City. Samantala ay Intensity IV sa Calamba City, Lucena City at Dasmariñas, Cavite; at Pateros City, Metro Manila. Intensity III sa Lunsod Makati, Lunsod Pasay, Lunsod Quezon, Lunsod ng Muntinlupa, Lunsod ng Malabon, Lunsod ng Mandaluyong at bayan ng Bacoor sa Cavite. Samantalang Intensity II naman sa Daet, Camarines Norte.|BALIKAS News

#BALIKASBantayKalamidad Update

Share this:



Copyright 2016 balikas.net

Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *