News

Mataas na armas at droga, narekober sa operasyon kontra kriminalidad; isa pang Bantugon, arestado

By JOENALD MEDINA RAYOS

KASUNOD ng mahigpit na utos nitong nakaraang linggo ni CALABARZON Police Regional Director Police Chief Superintendent Edward E. Carranza sa lahat ng provincial directors ng rehiyon na lansagin ang mga criminal groups, nahulog na kaagad sa kamay ng batas sa magkahiwalay na operasyon ang dalawa (2) pang pinaghahanap ng batas sanhi ng pag-iingat ng mga armas at pagkakaugnay sa ilang kriminalidad sa lalawigan ng Batangas.

Kinilala ni Batangas police provincial director PSSupt. Edwin A. Quilates ang mga suspek na sina Geronimo Ortega Bantugon, 56 anyos, residente ng Brgy. Sta. Mesa, Mabini, Batangas at Teodoro Dinglasan Landicho, alyas Tidoy, 37 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Dumuclay, Batangas City.

Nagliliwanag pa lang noong Miyerkules, Agosto 8, tinungo ng magkasanib na puwersa ng mga tauhan ng Batangas Provincial Intelligence Branch (BPIB) at Batangas City Police Station ang bahay ni Dinglasan alyas Tidoy sa Brgy. Dumuclay, bitbit ang Search Warrant na inisyu ni Judge Agripino Morga ng RTC Branch 29-32 sa Lunsod ng San Pablo, Laguna.

Matapos halughugin ang bahay ni alyas Tidoy, narekober dito ng mga operatiba ang isang double mint metal box; anim (6) na heat sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang aluminum foil, improvised plastic scoop at isang pulang pouch na naglalaman ng 11 pang sachet ng hinihinalang shabu, at improvised wood clip. Narekober din sa kaniyang pag-iingat ang isang tatlong baril – isang Pistol Cal 45 Norinco M1911A1 na may magazine at kargado ng pitong (7) buhay na bala; isang Revolver Cal 22 Smith & Wesson na kargado rin ng limang buhay na bala; at isang Pistol Cal 9mm Walther P38 na may magazine at pitong (7) buhay na bala.

Samantala, bandang alas-7:45 naman ng umaga nitong Biyernes, magkakasamang tinungo ng mga tauhan ng Batangas Provincial Intelligence Branch (BPIB), Batangas Provincial Mobile Force Company – Special Weapons and Tactics Team (BPMFC-SWAT) at Mabini Municipal Police Station ang dalawang bahay ni Geronimo O. Bantugon sa Sta. Mesa, Mabini, Batangas.

Bitbit ang mga Search Warrants, hinalughog ng mga operatiba ang mga naturang bahay ni Bantugon at tatlong matatas na armas kaagad ang narekober sa ancestral house nito na kinabibilangan ng 1.) Colt cal 45 pistol na may magazine; 2.) Armscor cal 38 revolver; at 3.) Colt cal 5.56 rifle na may magazine at iba’t ibang bala.

Sa isa pang kalapit na bahay ni Bantugon, narekober naman ang isang Taurus cal 9mm pistol na may magazine rin at iba’t ibang bala; at isa pang hand grenade.

Wala namang nakuha sa isa pang bahay sa Brgy. Del Pilar San Pascual, Batangas na pag-aari rin ng suspek.

Pahayag ni Col. Quilates sa isinagawang pulong-balitaan noong Biyernes, si alyas Tidoy ay dating isang tricycle driver lamang ngunit sa paglipas ng panahon ay kataka-takang naging isang bigtime individual na. Matapos aniyang isagawa ang mahaba-habang surveillance ng otoridad, nakumpirma ang kaniyang aktibong illegal drug trade dahilan upang maisagawa ang paghahalughog.

Ayon pa kay Quilates, si Geronino Bantugon, balong negosyante, ay aminadong kasapi ng kilalang Bantugon Group na nalansag ng otoridad may dalawang taon na ang nakalilipas. Pamangkin umano siya ng yumaong Miguel Leonilo Bantugon o Ka Nilo lider ng grupo na napatay sa isang madugong engkwento noong Agosto 5, 2016 sa Bauan, Batangas.

Napatay naman ang isa pang kasamahan nilang si Dorante Suarez sa isang armed encounter sa Laurel, Batangas noong Abril 5, taong ito, kung saan ay dalawang pulis-Batangas din ang nagbuwis ng buhay — sina PSI Alvin Kison, ng BPIB at SPO2 Edilberto Eje ng Laurel Municipal Police Station.

Ang Bantugon Group ang sinasabing nasa likod ng serye ng mga gun-for-hire related killings ng mga pulitiko at negosyante sa lalawigan, at pa-ihi ng mga prodktong petrolyo.

Kagad namang pinapurihan ni Quilates ang mga kagawad ng pulisya sa matagumpay na operasyon laban sa mga suspek. Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek samantalang inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa kanila. Ang mga narekober namang ebidensya ay nakalagak na rin sa Batangas Provincial Crime Laboratory.#BALIKAS_News