Events F.E.S.T. Festivals & Feasts Lifestyle Lifetimes

Mahaguyog Festival, muli nang aarangkada!

By JOENALD MEDINA RAYOS

STO. TOMAS, Batangas — TULOY na tuloy na ang susunod na edisyon ng Mahaguyog Festival na siyang tampok ng pagdiriwang ng ika-353 Taong Pagkakatatag ng bayan ng Sto. Tomas mula Pebreo 27 hanggang Marso 7.

Pahayag ni Mayor Edna P. Sanchez, ang pagbubukas ng Festival sa Pebrero 26, Martes, ay maikokonsiderang ekstensyon na ng long weekend holiday kung saan ang mga natatanging produktong agrikultural ng munisipyo ay siyang itatanghal.

Nasa kaniyang ika-10 taong pagdiriwang na ang Mahaguyog Festival na kumakatawan sa mga pangunahing produkto ng Sto. Tomas – mais, halaman gulay, at niyog – na siyang dahilan kung bakit nakikilala ang nangungunang bayang ito. Ang mga naturang produktong agrikultural ang siyang nagpayaman sa bayan ng Sto. Tomas at sa masisipag na sambayanang Tomasino.

Sa buong linggong pagdiriwango, ay ipinakikilala sa madla ang kumpitensya, kagalingang, kalinangan at mga kakaibang talent ng mga Tomasino.

Isasagawa sa Miyerkules,Pebrero 27 ang “E-Puso on Wheels” kung saan ay muling ihahatid sa mga barangay ang mag serbisyo ng munisipyo, samantalang ang “Agri-Exhibit and Trade Fair” naman ay gagawin sa Huwebes, Pebrero 28.

May sadya ring araw na itinakda para pahalagahan ang mga Tomasinong millenials gaya ng pagdiriwang ng “Youth Night” sa Marso 1, Biyernes. Punung-puno rin ng mga kaganapan kinabukasan, Sabado, kabilang ang “Tamiya, BMX and Skateboard Contest/Exhibition”, “Seniors’ Night” at ang “Miss Gay Sto. Tomas 2019”.

Search for Ms. Mahaguyog Festival 2018 Coronation Night||File Photo

Magiging tampok din sa pagdiriwang ng Mahaguyog Festival ang pinakaaabangang “Mardi-Gras” o “street-dancing” na lalahukan ng iba’t ibang paaralan sa Marso 2, Sabado; at ng pagkilala o paghirang sa “Miss Sto. Tomas 2019” sa Marso 5, Martes , na susundan pa ng kakaibang Musical Variety Show sa Marso 7, Huwebes, ang mismong Foundation Day.

Para naman sa mga konteserong mang-aawit, inaasahang mag-iinit ang labanan sa “Amateur Singing Contest Grand Finals” sa Lunes ng gabi, Marso 4; susundan pa ng “Jobs Fair” sa Martes, Marso 5; samantalang may “Rakrakan” Rock Band Concert at “Serenata” sa Miyerkules, Marso 6.

Lalong magniningning ang kalangitan at ang gabi sa mismong Foundation Day sa Marso 7 sa inihandang “Fireworks Display” na siyang magsasara sa pagdiriwang ngayong taon.

Ang Sto. Tomas ay isa sa mga pinakaunang bayan ng Lalawigan ng Batangas na itinatag noong taong 1666. Sa ilalim ng liderato nina Mayor Edna P. Sanchez at Vice Mayor Armenius Silva, patuloy na kinilala ang bayan ng Sto. Tomas hindi lamang sa Lalawigan ng Batangas, kundi maging sa buong bansa sa mahusay na pangangasiwa ng pamahalaang lokal. Kamakailan ay muling kinilala bilang isa sa pinakamayayamang bayan sa bansa at handa sa anumang pagsubok ng panahon.

Matatandaang nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noon pang nakalipas na taon ang Cityhood Charter ng bayan ng Sto. Tomas para sa kumbersyon nito na maging ika-apat na component city ng Lalawigan ng Batangas. Ipinagpaliban naman ng Comission on Election (Comelec) ang pagdaraos ng prebisito para ratipikahan ang naturang batas ng kumbersyon ng pagiging lungsod ng Sto. Tomas, bagaman at hindi apektado ng idinaos na plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ang bayan ng Sto. Tomas.|#BALIKAS_News

Share this: