4 na magkakasunod na lindol, normal pa rin ayon sa PHIVOLCS

(UPDATED) “NORMAL lamang ang magkaroon ng snud-sunod na paglindol na tinatawag nating “earthquake swarm” sanhi ng pagkilos ng fault sa lugar nang dahan-dahan. Mas mabuti na ito kaysa biglaang pagkilos. Mas matinding lindol ‘yung mangyari [kung ganun], mas maraming pinsala.”

Ito ang pahayag ni Direktor Renato Solidum ng Philippine Institute of Seismology and Volcanology (PHIVOLCS) kaugnay ng apat (4) na magkakasunod na lindol na tumama sa Lalawigan ng Batangas nitong Sabado na naramdaman hindi lamang sa Timog Katagalugan kundi maging sa Kalakhang Maynila at iba pang bahagi ng bansa.

Ani Solidum, ang paunti-unting pagkilos ng fault sa ilalim ng lupa ay nagti-trigger ng maraming paglindol, karamihan s amga ito ay halos hindi nararamdaman ng tao.

Nitong Sabado, Abril 8, batay sa ulat ng PHIVOLCS, unang niyanig ang Batangas ng Magnitude 5.6 ganap na alas 3:07:58 ng hapon at naitala ang sentro ng pagyanig sa isang kilometro hilagang silangan ng Brgy. Bagalangit, bayan ng Mabini. Sa available data ng United States Geological Survey (USGS), ang unang pagyanig ay nagtala ng Magnitude 5.7.

Sinundan pa ito ng mas malakas na Magnitude 6 na lindol [Magnitude 5.9 sa USGS Data] bandang alas-3:09:21 ng hapon at naitala naman ang sentro sa Talaga, bayan pa rin ng Mabini.

Kasunod ng kambal na pagyanig na ito, dalawa pa uling magkasunod na lindol ang naganap – Magnitude 5 (USGS) o 4.1 (Phivocs) bandang 3:29 ng hapon; at Magnitude 4.7 (USGS at Phivocs) bandang 4.36 ng hapon.

Reported Intensities: 
Sa report ng Phivocs, ang mas malakas na Magnitude 6 na lindol bandang 3:09 ng hapon ay naramdaman sa lakas na Intensity VII sa Mabini, Batangas at Intensity VI sa bayan ng Tingloy, Nasugbu at Calatagan, Batangas. Umabot naman sa Intensity V sa Batangas City, Lemery, at Sto. Tomas sa Batangas, at Tagaytay City. Samantala ay Intensity IV sa Calamba City, Lucena City at Dasmariñas, Cavite; at Pateros City, Metro Manila. Intensity III sa Lunsod Makati, Lunsod Pasay, Lunsod Quezon, Lunsod ng Muntinlupa, Lunsod ng Malabon, Lunsod ng Mandaluyong at bayan ng Bacoor sa Cavite. Samantalang Intensity II naman sa Daet, Camarines Norte.

Mga Pinsala

Nag-iwan naman ng malaking pinsala ang mga naturang lindol partikular sa mga bayan ng Mabini, Tingloy, Bauan, San Pascual, Taal, Mataasnakahoy, Cuenca at San Juan, at sa Lunsod Batangas.

Totally damaged ang isang bahay sa Brgy. San Andres, bayan ng Bauan, Batangas, bukod pa ang mga nagkabitak-bitak at nawasak na mga bahagi ng bahay sa Tingloy, Mabini, San Pascual at Taal.

Tatlong sasakyan naman ang nagkaroon ng pinsala matapos mabagsakan ng gumuhong bahagi ng gusali sa Camp Netanya sa Brgy. Ligaya, bayan ng Mabini. Bumagsak din ang ilang bahagi ng Anilao (Mabini) Market at mga bakod na kongkreto. Ilan ding bahay at seawall ang gumuho samantalang nagkabitak-bitak ang lupa sa Sitio Balanoy, Brgy. San Teodoro.

Nagkaroon din ng pagkaguho at pagkawasak ang ilang bahagi ng Mabini General Hospital samantalang nagkabitak-bitak din sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lunsod ng Lipa.

Bumagsak ang ilang bahagi ng kisame ng Basilica ng Inmaculada Concepcion sa Lunsod Batangas samantalang nagkaroon pa ng pagkatipak ng semento sa ilang mataas na bahagi nito na nagpaguho sa bahagi ng Basilica Pastoral Center. DUlot nito, isinara na sa publiko ang naturang simbahan at pansamantalang inilipat sa Plaza Mabini ang mga pagdiriwang ng Banal na Misa at iba pang mga Gawain ngayong Semana Santa.

Naragdagan din ang mga tipak sa semento at nahhulog na bahagi ng Basilika ni San Martin de Tours sa bayan ng Taal, ang itinuturing na pinakamalaking Simbahang Katoliko sa Asya. Nagkaroon din ng mga bitak ang simbahan ng bayan ng Bauan.

Ilang mga tulay din at seawall ang nagkabitak-bitak, gayundin ang ilang school buildings sa Tingloy, San Juan, Bauan at Taal.

Landslides:

Sa tindi ng mga pagyanig, nagkaroon ng mga landslides sa bahagi ng Bundok ng Maculot sa bayan ng Cuenca, Batangas.

Naging unpassable naman ang isang lane ng Agoncillo Road at Bilibinwang Road sa bayan ng Mabini. Unpassable din ang Pagkilatan at Dela Paz portion ng Batangas Bay Road dahil sa mga gumuhong lupa at bato.

Pansamantalang inilabas muna kaagad ang mga pasyente sa ilang ospital sa lalawigan ng Batangas.  Bagaman at walang anunsyo ng banta ng tsunami, nagsilikas na rin ang ilang mga kababayan sa bahaging mabababang lugar gaya ng Wawa at Sta. Clara sa Lunsod Batangas upang matiyak ang kaligtasan sa posibleng pagtaas ng tubig o daluyong. Ang mga residente ng Tingloy, Mabini, Bauan, Taal, at San Pascual ay nagsilikas din sa mga open spaces sa kani-kanilang bayan upang iwasan ang maaaring pagbagsak ng mga semento at iba pang bagay sa kani-kanilang lugar.

Mga panawagan

Mariing nanawagan sa publiko si Batangas governor Hermilando I. Mandanas na patuloy na manalangin samantalang patuloy ring maging handa at alerto sa banta ng lindol at iba pang kalamidad, samantalang nagpapatuloy ang assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Nanawagan na rin si Taal mayor Pong Mercado sa mga kababayang Taaleño na maging matibay at malakas ang loob na harapin ang mga banta ng sakuna, samantalang patuloy ang panawagan sa publiko na makibahagi sa pagpapatibay ng mga istruktuka sa Taal, ang heritage town ng Batangas.

“Nananawagan po ako sa ating mga Kababayan na mag-ingat sa posibleng muling paglindol or “aftershocks”. I highly suggest na kung wala naman po mahalagang gagawin sa labas ay manatili na lang po tayo sa ating mga tahanan. Sama-sama po tayong manalangin para sa kaligtasan ng ating lungsod at mga kalapit bayan at lalawigan sa buong Luzon,” panawagan ni Lipa City mayor Meynard A. Sabili.

Nanawagan na rin sa publiko si Batangas vice governor Sofronio Ona Jr. na manatiling kalmado at patuloy na maging alerto sa bawat oras.|JOENALD MEDINA RAYOS

#BALIKASBantayKalamidad Update

Share this:



Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *