News

Ibaan MADAC lalong pinalakas laban sa banta ng seguridad

IBAAN, Batangas – UPANG matiyak na hindi na maulit pa ang pagsulpot ng isa pang illegal drug laboratory o anumang kaugnay na pasilidad, personal na pinangunahan ni Mayor Danny Toreja ang pagpapalakas ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa bayang ito. Kaugnay nito, nagsagawa ng isang case conference ang MADAC sa Ibaan District Hall sa talaibon, Abril 20, kung saan ang punumbayan din ang tumatayong chairperson nito.

Bunsod ito ng pagkakatuklas ng isang shabu lab sa gitna ng pamintahan sa Brgy. Sto. Niño kung saan ayon sa mga drug enforcement team ay kayang makapaglikha ng 25 kilo ng shabu sa isang araw.

Pagputok pa lamang ng balita ay agarang gumawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan gaya ng pagpapatawag ng emergency meeting sa mga kapulisan at kay Punumbarangay Gilbert Kalalo ng Brgy. Sto. Niño kasama ang kanyang mga barangay functionaries kabilang ang mga BHW, mga tanod at kagawad.

Humarap din at nakipanayam si Atty. Francisco Guerra, legal counsel ng punumbayan, administrador na si Atty. Triven Castillo at Konsehal Soc Arellano bilang siya ang chairperson ng Committee on Peace and Order.

Naroon din ang Security Officer, Col. Venus De Castro, maging ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pansamantalang nakabase sa Rosario, Batangas.

Nakapanlulumong balita ito para sa lahat ng Ibaeño na hindi lubos maisip kung paanong napasok ng mga kawatan ang mapayapang bayan. Ayon sa kapulisan, naging target ng sindikato ang lugar dahil na rin sa malayo ito sa kalsada at di gaanong pansinin ng taong dumaraan, napapalibutan din ito ng malawak na pamintahan at kunwaring babuyan.

Ayon pa sa report, kabilang ang mga nahuli sa Dragon Wu Drug Syndicate na kilala sa bansang China at nag-ooperate na sa buong bansa. Hindi umano mahalaga ang buhay para sa sindikatong ito kundi mahalaga na makalikom sila ng malaking halaga sa pagbebenta ng iligal na droga.

Samantala, habang isinasagawa ang imbestigasyon, nabatid pa na ang lupang pinagtayuan ng shabu lab na may sukat na 1.3 ektarya, na dating pagmamay-ari ng mag-asawang Fernando at Fe Buenviaje ng Brgy. Iba, Silang, Cavite ay naipagbili ito sa halagang P9-million kay Marites Mendoza mula Valenzuela City noon pang Enero 13, 2018. Sapagkat hindi kontrolado ng mga opisyal ng barangay at ng lokal na pamahalaan ang naging transaksyon, madaling naipagbenta ang naturang lupain.

Sa isinagawang case conference, isa ito sa mga nabanggit na problema ng isang punumbarangay at pag-uusapan pa kung paano ito matutugunan.

Suhestyon naman ni Mayor Toreja, na huwag tumanggap ng bayad sa lupa kung walang maipapakitang certificate of ownership. Pahigpitin din umano ang pagbibigay ng construction permit at building permit upang hindi na pagmulan pa ng problema.

Nabanggit din ang kahalagahan ng pagbibigay ng kahit anong impormasyon sa kapulisan kung mayroon nang kahina-hinalang pangyayari silang napapansin.

Palagi ring ipinaalala ni PSI Jayson Caparas Aguilar na maging vigilante ang lahat ng tao upang hindi na maulit ang ganitong insidente. Dagdag pa niya, kahit sino umano ay maaaring maging intelligence agent at maaari pang makatulong sa mga otoridad sa pagsugpo ng ganitong krimen.

Dagdag naman ni Col. Venus De Castro, makakatulong ang palihim na pagsubaybay sa mga kahina-hinalang pangyayari, gusali o establisimyento.

Gampanin ng BADAC

Upang muling malinawan ang mga miyembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), ipinaliwanag ni DILG Officer Rosita Rabano ang mga responsibilidad ng bawat miyembro. Pinakamahalaga na rito ang reporting system. Gampanin din ng BADAC na magplano, mapag-aralan, at pahalagahan ang programa.

Ipinamahagi din ang kopya ng Pambayang Kapasiyahan Blg. 2013-095, Kautusan Blg. 2013-07 na nagsasaad ng panuntunan at alituntunin hinggil sa pagpasok ng mga pansamantalang naninirahan sa bayan ng Ibaan, Batangas, na nagsasaad ng paglabag sa iba pang pamamaraan o dahilan.

Sakop ng kautusang ito ang kahit sinong tao na nagtatrabaho, tumitigil, naninirahan na pansamantala o anumang katulad nito na nasa alinmang barangay na nasasakupan ng bayan ng Ibaan, Batangas.

Katungkulan umano ng Pangulo at mga Kagawad na masubaybayan ang mga baguhang tao sa kanilang nasasakupan upang magawan ng karampatang aksiyon sakaling sila ay lalabag sa mga batas at alituntunin ng barangay na kanilang titigilan. Lahat ng taong naninirahan pansamantala sa kanyang nasasakupan ay dapat na magfill-up ng PIS o personal information sheet. Dapat din nilang siguruhin na may police clearance mula sa pinanggalingang lugar ang sinumang nais manirahan sa barangay na nasasakupan ng Ibaan.

At sa huli, hiniling ng alkalde sa lahat ng opisyales ng barangay ang kanilang kooperasyon na mas mapaigting pa ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari na syang layunin ng pagpupulong na ito.|Kharen Tejada