Balikas Online : Header
Search
 
Contact Us Advertise home
 

Balikas Online
Balikas Frontpage
Aklat 14 Bilang 26
Ika-22 hanggang ika-28
ng Hunyo, 2009

The Pawikan Files



     
Ordinansa ipinasa para sa mga kasambahay ng lungsod ng Batangas

Ulat ni Carvelo Malubag, November 3, 2008

LUNGSOD NG BATANGAS- Matapos ang apat na taon ng mga serye ng konsultasyon at pag-aaral ay naipasa na rin ng pamahalaang lungsod ang ordinansang magbibigay proteksyon at kikilala umano sa karapatan ng mga kasambahay.

Ang Ordinance No. 13 series of 2008 na pinamagatang “Domestic Workers Ordinance of Batangas City,” ay nilagdaan ni Mayor Eduardo Dimacuha noong ika-27 ng Oktubre.

Layunin nitong maitaguyod ang karapatan ng mga tagaluto, hardinero, family driver, caregiver, labandera at mga yaya.

“Malaki ang kontribusyon ng mga kasambahay sa lipunan, sila ang nagsisilbing kaagapay natin sa pamilya, ‘yun nga lamang ay ‘di sila gaanong narerecognize sa lipunan,” wika ni Konsehal Nestor Dimacuha, isa sa mga nagsulong ng nabanggit na ordinansa, sa panayam ng Balikas.

Ayon sa ‘di-pampamahalaang organisasyong Visayan Forum Foundation Incorporated (VFFI), mula taong 1997 hanggang 2005 ay tinatayang aabot sa 2,957 ang mga kasambahay na naninilbihan sa lungsod ng Batangas.

Ayon kay Charelle Pasion, acting Regional Coordinator ng VFFI-Batangas, dahil aniya sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa ay mapoprotektahan ang mga kasambahay laban sa mga katiwalian.

Kabilang na lamang aniya rito ang pang-aabuso, mababa at naantalang sahod at ang sekswal na pangmomolestya.

Ngunit kung tutuusin ang nasabing ordinansa aniya ay para na rin sa proteksyon ng mga employer at mga kasambahay.

Isang halimbawa nito aniya ay nakasaad sa ordinansa na bawat barangay ng lungsod ay kailangang gumawa ng master list ng mga kasambahay.

Ayon naman kay Pasion sa ganitong pamamaraan ay madali aniya ang pagtukoy sa impormasyon ng mga kasambahay sa oras na may nangyaring emerhensiya tulad ng biglaang pag-alis ng walang paalam sa kanilang mga employer.

Nakapaloob din sa ordinansa na magsasagawa ng agarang pagtugon partikular sa lebel ng komunidad ukol sa mga inihahaing reklamo ng mga kasambahay tulad ng pang-aabuso.

Itinatakda rin ng batas ang pagkakaroon ng mga kasambahay ng kontrata sa kanilang mga magiging amo.

“Magiging maganda ang samahan ng employer at kasambahay kapag may kontrata silang napagkasunduan” wika ni Konsehal Dimacuha.

Maiiwasan aniya ang mga pang-aabuso lalo na sa sobrang oras at dami ng tinatrabaho ng mga kasambahay. Kung salat man sila sa pananalapi ay dapat napapakinabangan nila ang batas,” dagdag pa niya.

Ayon pa rin sa ordinansa dapat rin aniyang palakasin ang sistema ukol sa pagbibigay ng ligal, pinansyal at sikolohikal na tulong sa mga kasambahay na minamaltrato.

Kabilang din sa itinatakda nito ay ang iba’t-ibang benepisyo rin para sa mga kasambahay tulad ng SSS, Philhealth at iba pa.

Ayon kay Konsehal Dimacuha, taong 2006 pa aniya unang ipinanukala ang ordinansa ngunit natagalan ang implementasyon nito sapagkat dumaan pa aniya ito sa mga serye ng konsultasyon.

Sinumang mapapatunayang lumabag sa itinatadhana ay maaaring parusahan sa pagmumulta ng halagang 2 hanggang 5 libong piso o pagkakakulong ng isang taon depende sa hatol ng korte.
  Balikas Online
advertisement
estewar yellowfin tuna goat meatshop kambing padre garcia batangasLose and weight look young feel greatrose and grace restaurant batangasLibre ads, advertise, free



Balikas Online : Footer
Top of page . Home . Contac Us . Terms of Use . Disclaimer
Powered by Pusod, Inc.
Balikas Online, Copyright 2006-2008. All rights reserved.
Website Design and Development by Walter L. Lingon