News

9 public hospitals, tumanggap ng mga bagong ambulansya

By JOENALD MEDINA RAYOS

LUNSOD BATANGAS – INAASAHANG mas mapaiigting pa ng mga pangdistritong pagamutan ang serbisyo nito sa mga may sakit lalo na sa mga dagliang pangangailangan, ngayong nai-turn over na sa kanilang panganagsiwa ang tig-iisang bagong ambulansya mula sa pamahalaang panlalawigan.

Kabilang sa mga pagamutang ito ang Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu, Don Juan Mayuga Memorial Provincial Hospital sa Lemery, at Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa Balayan – pawang sa Unang Distrito; Laurel Memorial District Hospital sa Lunsod ng Tanauan, at Martin Marasigan District Hospital sa Cuenca – kapwa sa Ikatlong Distrito; San Juan District Hospital sa San Juan, Mahal na Birhen ng Sto. Rosario District Hospital sa bayan ng Rosario, at San Jose District Hospital – pawang sa Ikaapat na Distrito; at Lipa City District Hospital (Ikaanim na Distrito).

Tumanggap din ng isa pang ambulansya ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO) na nakabase sa Batangas Provincial Sports Complex, Lunsod Batangas.

Sa kaniyang mensahe, mariing itinagubilin ni Gobernador Hermilando I. Mandanas sa mga pangasiwaan ng mga naturang ospital na tiyaking magagamit lamang sa mga sadyang itinakdang serbisyo lamang dapat gamitin ang mga ambulansya at maging kapaki-pakinabang ito lalo na sa panahon ng dagliang pangangailangan.

Aniya pa, isa mga nangungunang prayoridad ng kaniyang administrasyon ay nakatuon sa kalusugan ng mga mamamayang Batangueño. Patunay nga dito ang pamamahagi ng mga medical equipment, emergency vehicles, at pagpapalakas at pagpapadami ng mga medical personnel sa mga health institutions, kasama ang planong paglalaan ng pondo para mabigyan ng mga ambulansya ang lahat ng barangay sa kabuuan ng Batangas.

MARIING itinagubilin ni Gobernador Hermilando I. Mandanas sa mga pangasiwaan ng mga naturang ospital na tiyaking magagamit lamang sa mga sadyang itinakdang serbisyo lamang dapat gamitin ang mga ambulansya at maging kapaki-pakinabang ito lalo na sa panahon ng dagliang pangangailangan.|Photo by JAYJAY PASCUA

Sa pagkakaroon ng mga bagong medical emergency vehicles, sinabi nito na mas mabilis na matutugunan ng mga pagamutan ng pamahalaan ang mga pangangailangan sa mga emergency situations dulot ng mga aksidente at sakuna, pagtugon sa mga kalamidad at relief operations, paglilipat ng mga pasyente sa mga pagamutan at pagtugon din sa mga medical na pangangailangan ng komunidad at mga barangay ng mga lokal na pamahalaan.

Dumalo sa nasabing okasyon ang buong pamunuan ng Provincial Health Office, sa pangunguna ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, kasama ang mga Chiefs of Hospitals ng siyam na District Hospitals; mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na pinamumunuan ni Mr. Joselito Castro; Provincial Social Welfare and Development Office head Jocelyn Montalbo; at mga kasapi ng Association of Barangay Captains ng Batangas.

Samantala, pinagtibay naman sa Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyong nagbibigay otoridad kay Gobernador Mandanas na tanggapin ang inilaan ng Department of Health na P4-milyong pondo para ipambili rin ng ambulansya.|May ulat ni Edwin V. Zabarte

Share this: