News

COVID-19 patient sa Lipa, kinumpirma ng ospital

By JOENALD MEDINA RAYOS

 (2nd Update, first published on Mar 14, 2020 1:09 pm) LIPA City – KINUMPIRMA mismo ng Mary Mediatrix Medical Center sa lungsod na ito ang pagiging positibo sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ng isa sa mga pasyenteng sumailalim sa medikasyon dito.

Sa ipinalabas na advisory Sabado ng tanghali, tahasang sinabi ng ospital na nagpositibo nga sa isinagawang test ng Regional Institute for Tropical Medicine (RITM) sa swab samples ng pasyente na na-admit sa MMMC noong Miyerkules, Marso 11.

Hapon ng Sabado, iniulat na rin ng MMMC na ibyinahe na rin ng kanilang ambulansya ang pasyente mula sa private isolation room ng ospital hanggang sa maihatid sa isang DOH hospital sa Kalakhang Maynila.

Tiniyak naman ng ospital ipinatutupad nila ang mga inilatag ng Department of Health (DOH) na mga control standards and protocols, ipinatupad ang hustong pag-disinfect sa ginamit na isolation room at iginarantiya ang kahandaang tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng anumang atensyong medikal.

Pinasinungalingan naman ni Georgio Barquilla, pamangkin ng pasyente, ang napabalitang nag-ikot umano sa Taal Public Market ang pasyente upang maghanap ng barong na isusuot sana sa pag-aanak sa kasal, kumain din sa isang kilalang restoran dito, naglibot sa isang mall sa Lemery at dumalaw pa sa burol ng isang kaanak sa kalapit-bayan ng Agoncillo. Ayon kay Jojo, hindi umano naglalalabas ng bahay ang pasyente kaya hindi totoong nakipag-boddle fight siya sa isang restoran, dahil at ang dinalaw na kapatid na na namatay ay nasa Brgy. Cahilan II din lamang.

Pinasinungalingan din ng kaniyang pamilya na kaya umuwi ang pasyenteng nagpositibo ay dahil namatay na nga ang kaniyang amo sa Parma, Italy, kundi dahil nga sa pagkamatay ng kapatid.

Ayon sa World Health Organization (WHO) ang Europa kung saan naroon ang Italy ang ikinokonsidera na ngayon bilang epicenter ng pandemic na COVID-19 kung saan ay pumalo na sa 17,770 ang bilang ng kabuuang kaso ng COVID-19 at may kabuuang 1,255 mortality na (as of March 13, 2020).

Kaninang umaga, kinumpirma ni Provincial Information Office (PIO) chief Katrina Buted na nagpositibo na nga sa COVID-19 ang nasabing pasyente.

Sa naunang social media post naman ni Lipa City mayor Eric Africa, sinasabing ang naturang biktima ay residente ng bayan ng Lemery, Batangas at may travel history sa bansang Italy na kinumpirma rin naman ni Lemery mayor Larry Alilio,

Nananatili pa ring nasa medical tent ng MMMC ang dalawa pang Person Under Investigation (PUI). Kabilang din sila sa limang (5) PUI na na-admit sa nasabing ospital.

Una nang nagnegatibo sa COVID-19 test ang dalawang pasyente rito noong nakaraang linggo.

Unang dalawang kaso

Kahapon nga ay kinumpirma na rin ni Batangas City Health Officer, Dr. Rosario Barrion, na ang patients 49 at 52 sa tala ng DOH ay kapwa taga-Batangas City.

Sa tala ng DOH, si Patient 49 ay isang 72-taong gulang na Pinoy samantalang si Patient 52 ay ang 79-anyos niyang kapatid na babae at may travel history sa London, United Kingdom. Kapwa unang kinakitaan ng mga sintomas noong Marso 1 at nakumpirma lamang nitong Miyernules, Marso 11. Kapwa rin sila naka-confine sa Asian Hospital and Medical Center sa Alabang, Muntinlupa City sa Kalakhang Maynila.|-BALIKAS News Network