News

3 component cities ng Batangas, pawang SCFLG awardees

By JOENALD MEDINA RAYOS

LUCENA City, Quezon – MULING pinatunayan ng tatlong (3) component city ng Lalawigan ng Batangas ang kahusayan ng bawat isa sa paghahatid ng serbisyong pangmadla nang kilalanin bilang mga child-friendly cities ng CALABARZON.

Sa isinagawang Regional Awarding Ceremony sa Quezon Convention Center, lunsod na ito noong isang Lunes, Agosto 20, pawang tumanggap ng “Seal of Child-Friendly Local Governance Award” ang Lungsod ng Tanauan, Lungsod ng Lipa at Lungsod Batangas

Ang paggagawad ng SCFLG ay isang programang magkatuwang na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Interior and Local Government (DILG) noong Oktubre 2014 upang isulong ang mga “child-sensitive” at “child-friendly” programs sa lahat ng local government units (LGU) sa buong kapuluan.

Kabilang sa mga pamantayan ng SCFLG ang pagbaba ng porsiyento ng mortality rate ng mga batang nasa 5-taong gulang pababa; pagbaba ng bilang ng mga batang nasa 6-taong gulang pababa na wala sa normal na timbang; pagtaas ng bilang ng mga batang nasa 3-4 na taong gulang na sumasailalim sa center-based day care services; completion rate ng mga batang nakakapagtapos ng elementarya; at kawalan o pagbaba ng bilang ng mga “child labor cases”.

Kabilang rin sa pamantayan ang pagbaba ng bilang ng mga bata na nakararanas ng pang-aabuso, karahasan, kapabayaan at pananamantala; kasiguruhan ng kaligtasan ng mga bata sa komunidad at mga paaralan; pagpapalaganap ng mga karapatang pambata; pagkakaroon ng Barangay Violence Against Women and their Children (VAWC) desks; Philhealth accreditation sa mga health facility at rural health unit para sa mga pasyente sa ilalim ng Maternal Care Services and Primary Care; Local School Board (LSB) Plan at implementasyon ng naturang plano.

 

Para sa Lungsod ng Lipa, personal na tinggap ni Mayor Meynard Sabili ang Plake ng Pagkilala, kasama ang kaniyang mga katuwang sa serbiyo-publiko – sina Chief of Staff Bernadette P. Sabili; City administrator Atty. Leo Latido; CSWD officer Lerma Laylo at iba pang hepe ng mga opisina at departamento.

Kabilang ang Lungsod ng Lipa sa mga nakakuha ng 100% puntos na siyang batayan sa seleksyon ng mga awardee.

Sa ilalim ng Sabili administration, ang Lungsod ng Lipa ay nagpatayo ng Lipa City Welfare Village, ang kauna-unahang pasilidad sa CALABARZON na may sariling Bahay ng Pag-Asa para sa mga tinatawag na children in conflict with the law bukod pa sa Bahay na Kuya na isang rehabilitation center para sa mga dating addict na nagbabagong buhay na.

“Maraming salamat po sa DSWD at DILG sa pagkilala sa ating mga pagsisikap na maisaayos ang mga programa para sa mga bata. At congratulations sa lahat ng ating chiefs of offices, lahat ng mga empleyado ng local na pamahalaan ng Lipa, dahil hindi natin ito makakamit kung hindi dahil sa inyong suporta, pakikiisa at pagtutulungang maiayos ang ating mga programa para sa mga bata. Para ito sa ating lahat,” pahayag pa ni Mayor Sabili.

Tanauan City

Ito naman ang ikatlong pagkakataon ng Lungsod ng Tanauan na mahirang bilang SCFLG Awardee.

Sa ngalan nina City Mayor Atty. Jhoanna Corona-Villamor, City Vice Mayor Benedicto Corona at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, dumalo para tanggapin ang “Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG) Award” na iginawad sa lungsod ng Tanauan sina Quennie Malleon, City Local Government Operations Officer (CLGOO); Jennifer Mora ng City Planning and Development Office (CPDO); Elaine P. Caringal ng City Social Welfare and Development (CSWD); at Xander Castillo ng Dep-Ed Tanauan.

Batangas City

Kasama naman ni CSWD Officer Mila Española si City Planning and Development Office coordinator Januario Godoy sa pagtanggap ng Plake para sa Lungsod ng Batangas.

Binanggit ni Española na nakita ng mga evaluators ang magandang programa ng city government para sa mga child laborers, street children, children in conflict with the law, at biktima ng karahasan. “Mayroon man tayong mga ganitong kabataan ay nakita naman nila kung paano natin i-address ang mga isyu at problema, ang maayos na aksyon at maingat na paghawak o proseso ng mga kaso na may kaugnayan sa mga kabataan, at may mga preventive measures din tayo, ”dagdag pa ni Española.

Nakita rin ng mga evaluators ang programa para sa mga children with disabilities, lalo na at may bagong Office of Persons with Disabilities Affairs (OPDA) at mataas na bilang ng Special Educatioon (SPED) schools sa lungsod, kung saan dito rin nag-aaral kahit mga taga ibang bayan.|May balita nina Maria Teresa S. Buño at Marie V. Lualhati