ANG mga bagong abogado ng University of Batangas College of Law kasama ang ilang opisyal ng unibersidad sa pangunguna ni Dr. Hernando B. Perez, president; Dean Randy S. Perez at Assoc. Dean Edna Del Rosario.|CONTRIBUTED PHOTO

Mga probinsyano, nanguna sa bar exams; Batangas, may 47+ bagong abogado!

MULING ipinakita sa resulta ng November 2016 Bar Examinations na hindi magpapahuli ang mga kolehiyo at unibersidad sa mga probinsya at pasinungalingan ang dating paniniwala na higit na magaling ang makapagtapos sa malalaking unibersidad sa Kalakhang Maynila.

Nitong Mayo 3, nagulat ang publiko nang ilabas ng Korte Suprema ang talaan ng mga pumasa sa naturang bar examinations at lumabas na ang mga nakasama sa Top 10 ay pawang mula sa mga law schools sa labas ng National Capital Region.

Ang nangungunang bagong abogado na si Karen Mae Calam na nakakuha ng 89.05 % ay mula sa University of San Carlos sa Lunsod Cebu.

Sa unibersidad ding ito nagmula sina Fiona Cristy Lao (88.8%), pantatlo; Anne Margaret Momongan (87.8 %), pang-pito; at Jefferson Gomez (87.7 %), na pang-walo.

Nakatatlo rin sa Top 10 ang Silliman University ng Dumaguete City kung saan nagmula ang pumangalawa na si Alanna Gayle Ashley Khio na nakakuha ng 88.95 %; at ang pang-siyam na si Marie Chielo Ybio (87.5 %); at ang pang-sampu na si Andre Stephen Liu (87.45 %).

Galing din sa iba pang provincial law schools ang iba pang nakasama sa Top 10: si Athalia Liong 88.8 %, Top 3 mula sa ng Andres Bonifacio College ng Dipolog City; si Allana Mae Babayen-on (88.7 %), Top 4 mula sa University of San Agustin sa Iloilo City; si Justin Ryan Morilla (88.4 %), Top 5 mula sa Ateneo de Davao University sa Davao City; si Mark Dave Camarao (88.1 %), Top 6 mula sa Northwestern University sa Vigan City; at si Nia Rachelle Gonzales (87.5 percent), Top 9 ng University of Batangas.

Pahayag ni Commission on Elections chairman Andy Bautista, dating Dekano ng Far Eastern University Institute of Law, hindi aniya isang sorpresa kung bakit wala ni isa man sa mga ititunuturing na powerhouse law schools sa kalakhang Maynila gaya ng University of the Philippines, Ateneo de Manila University, at San Beda ang nakasama sa Top 10.

“I’m not surprised why students from provincial law schools are doing well. They speak better English than their peers in Metro Manila,” pahayag ni Bautista na isang bar topnotcher mula sa Ateneo Law School. “Students from Metro Manila speak mostly Tag-lish, while students from provincial law schools speak in fluent English,” dagdag pa niya.

Lubos naman ang kasiyahan ni dating Justice secretary at ngayon ay Pangulo ng Unibersity of Batangas, Dr. Hernando B. Perez sa magandang resulta ng bar exams. Aniya, “9th place in the bar and 80 percent passing rate are great achievements of a provincial school like the UB.”

Bukod sa nakuha ni Gonzales ang ika-siyam na pwesto, naitala ng pamantasan ang pagpasa ng 28 bagong abogado.

Ilang taon ang nakalipas, ang Top 3 na si Atty. Rudy Ortea ang unang topnotcher ng UB College of Law.

Ipinagmalaki naman ni dating UP Law Student Government president Lance Ortiz na sa bagaman at wala ni isa mang nagging topnotcher mula sa University of the Philippines, malaking achievement aniya ang makapagtala ng 97.89 overall passing rate sa 2016 bar examinations, ang pinakamataas na nakuha ng UB mula pa noong 1970s.

Bukod sa 28 bagong abogado ng UB, may 11 pang pumasa mula sa Batangas State University, walo mula sa De La Salle  Lipa – o kabuuang 47 bagong abogado mula sa tatlong unibersidad sa Batangas ang magiging bagong kasapi ng Integrated Bar of the Philippines – Batangas Chapter. Dagdag pa rito ang iba pang mga nagsipagtapos sa ibang law schools sa Metro Manila at iba pang lalawigan

Umabot sa 3,747 o 59.06% ng kabuuang 6,344 examiness ang pumasa sa naturang eksaminasyon.|JOENALD MEDINA RAYOS

Share this:



Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *