News

2 most wanted at 2 pang tulak ng droga sa Batangas, arestado ng pulisya

By JOENALD MEDINA RAYOS

CAMP MIGUEL MALVAR, Lunsod Batangas – NALAGLAG na sa kamay ng otoridad ang dalawang itinuturing na most wanted criminals sa Lalawigan ng Batangas samantalang dalawang iba pang mga hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang sa magkakahiwalay na mga operasyon ng pulisya nitong Biyernes at Sabado, Hunyo 22-23.

Unang naaresto ng mga operatiba ng Lian Municipal Police Station sa pangunguna ng hepe rito na si PSInsp John Conrad A. Villanueva, ang No. 2 Most Wanted sa bayan ng Lian na si Mark Bautista Guinto, 28, binata, construction worker at resident eng Brgy. Poblacion 5 sa bayan ng Lian na may nakatindig na kasong panggagahasa.

Naaresto siya bandang alas-dyes ng umaga sa Brgy. Malaruhatan, sakop ng bayang nabanggit.

Sa isa namang hiwalay na operasyon ng mga tauhan ng tanauan City Police Station sa pangunguna ni PSsupt. Renato C. Mercado, chief of police, naaresto si Ranilo Ocampo Almendras, 37 anyos, may-asawa, tubong Brgy. Ambulong, Lunsod ng Tanauan. Si Almendras ay may kinakakaharap na kasong pagpatay at kinikilalang No. 6 sa Top 10 Most Wanted Persons sa talaan ng Tanauan City MPS.

Sa ulat ni Batangas acting provincial director PSSupt. Edwin A. Quilates, kay CALABARZON Regional Director, Police Chief Superintendent Edward E. Carranza, kabilang sa masterlist ng Most Wanted sa lalawigan sa Lambat Sibat Phase 4 ang dalawang akusado.

Samantala, kaugnay naman ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga, arestado nitong Biyernes ng hapon, Hunyo 22, sa isang buy bust operation ng mga tauhan ng Mataas Na Kahoy MPS sa pangunguna ni PSInsp Gerry G. Malipol, acting chief of police, si Ronald Umali Maldonado, 41 anyos, may-asawa,   sari-sari   store   owner, tubo at residente sa Brgy. San Sebastian, bayan ng Mataasnakahoy.

Nakumpiska kay Maldonado ang isang lilimahing daang pisong marked money at isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kinamadaling-arawan naman, arestado rin ng mga tauhan ng Tuy Municipal Police Station sa pangunguna ni PSINsp Domingo D. Ballesteros Jr., acting chief of police, si Joanne Catolos Piopongco, 25, may live-in partner, tambay at residente ng Brgy. 10, Balayan, Batangas.

Isa umanong bagong identified drug dealer si Joanne na nakumpiskahan ng dalawang (2) sachet ng hininalang shabu na may timbang na 0.15 gramo, P1,000 marked money.

Inihanda na ang kaukulang kaso laban sa dalawang hinihinalang tulak, samanatalang deretso na sa kulungan ang dalawang most wanted na naaresto.|#BALIKAS_News