SI dating BSU president Ernesto M. De Chavez habang kinakapanayam sa isang local radio show.|

2 dating opisyal ng BSU, sumuko na sa DOJ

SUMUKO na nitong nakaraang linggo ang dalawang dating opisyal ng Batangas State University (BSU) na kapwa napatunayang guilty sa kasong graft, mahigit isang taon na ang nakalilipas.

Sa kaniyang liham sa Sandiganbayan Special Second Division, sinabi ni Justice Undersecretary Erickson Balmes na kapwa sumuko kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II bandang alas-6:00 ng gabi noong Lunes Santo, Abril 10, sina dating BSU president Ernesto M. De Chavez at dating BSU vice president Rolando Lontok, Jr.

Noon ding gabing iyon, kaagad na nai-turn over sa kustodiya ni National Bureau of Investigation (NBI) director Dante Guierran ang dalawang dating opisyal at ngayon ay nakaditene sa NBI Detention Center sa Maynila.

Matatandaang ipinagsakdal ng dating propesor Nora L. Magnaye sina De Chavez at Lontok ng kasong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa umano’y maanomalyang pangungulekta ng internet fees mula taong 2000 hanggang 2002 na ang naturang koleksyon ay hindi pumapasok sa kaban ng Batangas State University, manapa ay sa joint account ng dalawang opisyal sa isang pribadong bangko. [Kalaunan ay naging president naman ng BSU si Magnaye kapalit ni De Chavez.]

Sabi ng korte sa desisyon nito na may petsang Marso 31, 2016, nagsabwatan umano ang dalawang opisyal sa paniningil ng P550 internet fees sa mga estudyante ng unibersidad na halos umabot ng may P500,000.00.

Napatunayan umano ng korte, batay sa salaysay ng mga saksi ng prosekusyon na ang pagsasabwatang ito ay nagbunga sa iregularidad sa paggastos ng nasabing koleksyon na hindi dumaan sa tamang bidding at procurement system ng mga paaralang pang-estado kundi ayon lamang sa personal na kagustuhan ng mga naturang opisyal. Napatunayan din ng korte batay sa testimonya ng mga saksi na ang naturang paniningil na ito ay hindi aprubado ng Board of Regents.

Bukod sa anim hanggang 10 taong pagkabilanggo, hinatulan din ang dalawang opisyal ng panghabambuhay na diskwalipikasyon na humawak ng anumang pampublikong posisyon.

Magkagayunman, naabswelto naman sa kasong estafa si De Chavez matapos mabigo ang prosekusyon na makapaghain ng sapat na ebidensya sa naturang kaso. Ngunit ang kasong estafa laban kay Lontok Jr. ay naka-achived sapagkat nagtatago ang akusado sa panahong nililitis ang kaso.

Noon namang taong 2012, nahatulan din sina De Chavez at Lontok ng hanggang 10 taong pagkakulong dahil naman sa pag-uutos na ang mga rerentahang toga ng mga nagsisipagtapos na mag-aaral ng Batangas State University ay magmumula lamang sa supplier ng unibersidad na kaanak o kapamilya ng mga naturang opisyal.|#BALIKASNews

Share this:



Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *