MAGING ang mga residente ay nagtulung-tulong na rin sa pag-apula ng sunog na tumagal ng dalawang oras sa Barangay Dos, Lunsod ng Lipa, sabado ng tanghali.|GHADZ RODELAS

10 bahay naabo, 2 buhay nakitil sa sunog sa Lipa City

(Updated) LIPA City – SAMPUNG magkakadikit na kabahayan ang tinupok ng malaking apoy na mabilis na kumalat samantalang dalawang bata ang halos nalitson sa isang compound sa barangay Dos, sakop ng lunsod na ito, Sabado ng tanghali.

Ayon sa ilang nakasaksi, bandang alas-onse kwarenta ng biglang sumiklab ang apoy na di malaman sa kung aling bahay nagmula ito at dahil sa mainit na panahon at malakas na hangin ay kaagad na kumalat sa iba pang kabahayan.

Kaagad na nagtulung-tulong ang magkakapit-bahayan na apulain ang apoy, ngunit lalo itong kumalat bunsod ng malakas na hangin. Kaagad din namang nakaresponde ang Kawanihan ng Pamahatay Sunog ng Lunsod ng Lipa, subalit patuloy pa rin itong kumalat sa buong compound.

Ayon ka Fire Inspector Ferdinand Vonn Nicasio, hepe ng Lipa CIty Fire Station, itinaas sa ikaapat na alarma ang naturang sunog at kaagad namng nakasaklolo ang iba pang pamatay-sunog ng mga kalapit-bayan at lunsod. Rumesponde rin ang Philippine Air Force na nakabase sa Fernando Air Base gamit ang isang helicopter na may dalang tubig sa itaas.

Umabot pa ng bandang ala-1:40 ng hapon ng maideklarang fire-out ang lugar. Dito tumambad sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection and sunug na sunog na bangkay ng dalawang bata na na-trap s aloob ng kanilang bahay nang sumiklab ang sunog.

Kinilala ng mga imbestigador ang mag-pinsang nasawi na sina Xander, 4, at Divon Lalucis, 3, na naiwan ng mag-aalaga at hindi na nagawang makatakbo sa tindi ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Kaagad namang nagtungo sa lugar si Lipa City mayor Meynard A. Sabili at maybahay na si M.A.S. Foundation president Bernadette upang alamin ang pinsala ng sunog at magpaabot ng pakikiramay sa mga naging biktima ng trahedya. Nangako rin ang mag-asawa ng pagpapahatid ng dagliang ayuda sa mga kababayang nasunugan.

Sa patuloy pa ring nagsisiyasat ng mga arson investigators ng BFP, hinihinalang faulty electrical wiring ang pinag-ugatan ng sunog na nag-iwan ng may P10-milyong pinsala sa 13 pamilyang naging biktima.|#BALIKASNews may ulat ni Ghadz Rodelas

Share this:



Comments

comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *